Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 436

Ika-8 na labas

Nagsisimula na namang muling kabahan si Emilia nang mapansin ang tila ‘di pagkapalagay ni Lito. Parang balisa ito na hindi niya maintindihan. Panay ang tingin sa kanya, mapapalunok na tila may nais sabihin.

Patuloy lang ang pari.

“Lito, do you take this woman Emilia to be your lawfully wedded wife, to have and to hold, in sickness and health, in good times and woe, for richer or poorer, keeping yourself solely unto her for as long as you both shall live?”

Hindi makasagot si Lito. Nakayuko ito.

“L-Lito?” kinakabahang kinukuha ni Emilia ang atensyon ng binata.

Tumingin si Lito kay Emilia. Pero sa halip na magsalita at sagutin ang tanong ng pari ay walk out ang drama nito. Subalit maagap siyang nahawakan ni Emilia sa braso.

“Ako ang dapat umalis hindi ikaw.” Matatag na sabi ng dalaga. Run away bride na sana ang peg niya nang biglang apakan ng groom ang laylayan ng gown niya.

“N-No, kapag ikaw ang umalis, ikaw ang lalabas na masama sa paningin nila, k-kaya pa­sensya ka na… h-hayaan mong gawin ko ito para sa ating dalawa.”

Kaya ang groom nag-run away talaga habang ang kanyang bride ay naiwang nakanganga.
“LITO!” Malakas na sigaw ni Don Roberto.

Hindi makagalaw si Emilia sa bilis ng mga pangyayari.Sa isang iglap ay naglahong parang bula ang kanyang groom to be at wala siyang nagawa kundi ang mapatunganga. Para siyang yelo na nakabilad sa pinakamatinding sikat ng araw.

Daig pa ni Emilia ang in love, hindi makakain, hindi makatulog. Dahil sa nangyari, pakiramdam niya ay gumuho ang mundo niya at bumagsak sa kanyang pamilya.

Gusto niyang mapag-isa kaya nagkulong siya sa kuwarto. Pero…

“Ate! Pakibuksan ang pinto kukuha lang ako ng damit sa aparador!” sigaw ni Gabriel.

Binuksan ang pinto at isinara ulit paglabas ni Gabriel. Maya-maya ay si Bob naman ang kumakatok.

“Ate Ems, ‘yung cell phone ko nakalimutan ko sa drawer pakikuha naman!”

Bukas ulit ng pinto ang dalaga. Iniabot ang cell phone sa kapatid.

Wala pang ilang minuto ay si Yasmin naman ang tumatawag.

“Ate papasok na’ko sa school ‘yung bag ko nandiyan pa sa loob.”

Walang kibong iniabot ni Emilia ang bag sa kapatid sabay sara ulit ng pinto.

Nang maramdaman niya ang papalapit na mga yabag ni Perlita ay agad niyang binuksan ang pintuan sabay sigaw na…

“Utang na loob hayaan niyo muna akong mag-isa!”

Nagulat si Perlita at napalingon din ang buong pamilya ni Emilia sa kanya.

“Anak, pasensya ka na, hindi mo kasi solo ang kuwarto kaya…” hindi na natapos ni Aling Milagrosa ang sasabihin dahil pinutol na agad ‘yon ni Emilia.

“Ayoko nang marinig ang pasensya na ‘yan ‘nay na bukambibig ng walang kwentang lalaking ‘yon, sige na po ako na lang ang lalabas, o kaya sa banyo na lang ako magkukulong para walang istorbo!”

“Teka nak, bago ka magkulong sa banyo pwede bang padumi muna ko?” hirit pa ni Mang Caloy.

Related Posts

Inis na tinalikuran ni Emilia ang pamilya niya.

“Mga anak, pagpasensyahan niyo na ang ate n’yo, may pinagdaraanan lang siya at tayo, nandito lang tayo para sumoporta at umalalay sa kanya.” Paliwanag at pakiusap na rin ni Aling Milagrosa sa mga anak.

Lalabas muna sana ng bahay si Emilia nang pagbukas niya ng pinto ay bumungad sa kanya ang kakatok sanang si Don Roberto.

“D-Don Roberto?”

Pinatuloy niya ang matanda at pinaupo.

“Gusto kong humingi ng tawad sa ginawa ng apo ko… pero gusto ko ring makiusap sa’yo…”
“Don Roberto wala na ho sa’kin ‘yon, wala na rin ho tayong dapat pag-usapan pa, dahil hindi naman natuloy ang kasal kaya okay lang po na mawalan ng bisa ang napagkasunduan natin.” Mahinahong sabi ni Emilia.

“But I have suggestions, una tutubusin ko na ang bahay n’yo sa banko bukas na bukas din!”

“T-Talaga po?” hindi makapaniwala si Emilia.
“Yes.”

“Ano po ang pangalawa?”

“Ang pangalawa ay makukuha mo pa rin ang perang pinag-usapan natin.”

Nanlaki ang mga mata ni Emilia.

“Bakit n’yo po to ginagawa? Maraming maraming salamat po, hulog talaga kayo ng langit sa pamilya ko!” tuwang-tuwang sabi ng dalaga.

“Emilia, patapusin mo muna akong magpaliwanag.”

“S-sige po…”

“Handa akong tuparin lahat ng sinabi ko kung susundan mo si Lito.”

Natigilan ang dalaga.

“S-susundan?”

“Oo susundan.”

“Saan ko po siya susundan?”

“Ang ibig kong sabihin ay paamuin mo siya para matuloy na ang kasal niyo.”

“T-teka lang naman muna po Don Roberto, tinakbuhan na nga po ako ng apo n’yo, baka for the second time and third and fourth ay takbuhan niya ulit ako, paano naman ho ang dignidad ko bilang bride to be?”

“Magtiwala ka sa sarili mo Emilia, kapag napaamo mo na siya, siya mismo ang magmamakaawa sa’yo para madala ka niya ulit sa harap ng altar!”

“Ang ibig n’yo po bang sabihin na mapaamo ay mapa-in love?”

“Exactly!”

“P-parang ang hirap naman po nu’n…”

“Maganda ka, mabait, walang lalaki ang mahihirapan na mahalin ka, kaya malakas ang paniniwala ko na mamahalin ka niya, mamahalin ka ng apo ko at pagsisisihan niya ang sandaling nagawa ka niyang iwan sa oras mismo ng inyong kasal!”

Hindi makaimik si Emilia. Matutuwa ba siya, maiinsulto o magpapasalamat na lang sa malaking tiwala sa kanya ni Don Roberto.

Nang makaalis ang matanda ay pinag-isipan niyang mabuti kung kakagatin ba niya ang nais nitong mangyari o hahayaan na lang niya na tangayin ng hangin ang natitira pa niyang pag-asa. (Itutuloy)