Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 436

Ika-6 na labas

Saglit na tinitigan ni Lito si Emilia bago sinagot ang tanong nito ng isang tango at tipid na ngiti. Hindi man kuntento ang dalaga sa naging tugon ng binata ay hinayaan na lang niya ito.

Abante Hiring – IT dep

“Buti pa kumain na tayo, mukhang masarap itong carbonara ah!”

Sinandukan pa ni Emilia ng pagkain si Lito.

Naging simple at tahimik ang date na iyon. Mga casual na tanong na nagpapakilala sa kanila sa isa’t isa. Pinakikiramdaman ang bawat salita at bawat ngiting lumalabas sa mga labi.

Pag-uwi sa bahay ay isang ambush interview agad ang sumalubong kay Emilia.

“Ate anong napag-usapan nyo ni Kuya Lito?” tanong ni Gabriel.

“Ate, ano raw favorite food niya?” usisa naman ni Bob.

“Ano naman ang favorite color niya?” singit ni Yasmin.

“May naging girlfriend na ba siya?” hirit naman ng bunsong si Perlita.

Kunot noong hinarap ni Emilia ang mga ka­patid.

“Una sa lahat, ikaw Perlita napakabata mo pa iyan ang agad ang tanong mo, pero sasagutin kita, wala pa siyang nagiging girlfriend, para naman sa’yo Yasmin Gray ang fave color niya, favorite food naman niya Bob ay carbonara, pero Gabriel ang mga napag-usapan naming dalawa ay sa amin lang dalawa hindi ko ise-share sa inyo o kahit na kanino!”

“Ang daya!” kakamot-kamot sa ulong sabi ni Gabriel.

“At wala na kong sasagutin na iba pang tanong kaya sige na, lubayan nyo na’ko!”

Nang lumayo ang mga kapatid ay si Mang Caloy naman ang lumapit sa anak.

“Tay, ‘wag mong sabihing may tanong ka rin?”

“Oo anak.”

“Haist, ano naman po ‘tay?”

“Kinilig ka ba?”

“TAY!”

“Sabi ko nga lulubayan na rin kita!” sabay layo na rin ni Mang Caloy.

Ang unang date nina Lito at Emilia ay nasundan pa ng ilang beses. Gusto kasi ni Don Roberto na magkaroon muna ng pundasyon ang kasalang magaganap.

Gusto niyang maging lihim sa lahat na ang kasalang iyon ay dahil lamang sa isang kasunduan. At umaasa rin siya na baka sakaling totoong magkagustuhan ang dalawa. Kapag nangyari ‘yon ay mas mapapanatag siya.

Samantala. Sa bahay ng mga Tolentino.

“Anak, okay lang ba sa’yo ang nagiging paglabas labas ninyo ni Lito?” may pag-aalala sa tanong ni Aling Milagrosa sa anak habang magkatulong silang naglalaba.

“Opo naman. Mukha naman pong mabait si Lito pero yun nga lang kahit ilang beses na kaming nagkasama eh hindi pa rin siya masyadong nagkukuwento tungkol sa sarili niya saka madalas kinakain kami ng katahimikan.” Natatawa pang kuwento ni Emilia.

Related Posts

“E baka nahihiya pa sa’yo? “

“Ewan ko don. Pero alam mo ‘nay kung ano ang nakakatawa?”

“Syempre hindi ko pa alam anak, hindi mo pa sinasabi eh!”

“Si nanay naman eh, o eto na sasabihin ko na po. Sa lahat yata ng taong nakilala ko, si Lito ang pinakamahilig sa pasensya!”

“Tinapay?”

“Hindi po yung tinapay na pasencia, as in ang hilig niyang humingi ng pasensya kahit wala naman siya dapat ihingi ng pasensya.”

“Ha? E ba’t ganon? Pero in fairness anak positive naman yung ganong ugali kaysa naman sa iba na nakagawa na ng mali hindi man lang magsorry.”

“Kunsabagay.”

“E anak ang maipapayo ko lang sa’yo, ingatan mo ang puso mo. Baka kasi ma-fall ka sa kanya tapos hindi naman siya ma-fall sa’yo.”

“Don’t worry po ‘nay iingatan ko ang puso ko.”

“At yung isa pang inaalala ko, pinagtsitsismi­san ka na ng mga kapitbahay natin, ang sabi raw ni Mosang gold digger ka raw, tapos may nagsabi pang kung naging mahirap lang si Lito siguradong hindi mo siya magugustuhan sa porma pa lang.”

“Hay naku ‘nay ‘wag nyo silang intindihin, buhay natin ‘to, wala naman tayong inaapakang tao kaya wala kayong dapat ipag-alala.”

Kumuha ng maraming bula si Emilia mula sa nilalabhan at inilagay iyon sa palad.

“Kita mo ‘tong mga bula sa palad ko ‘nay?”

“Oo naman anak, malinaw pa ang mga mata ko!”

“Manood ka ‘nay, ganito ang gagawin ko sa mga tsismosa nating kapitbahay…” sabay ihip ni Emilia nang malakas sa bula, kaya ang mga bula ay nagliparan sa iba’t ibang direksyon at mabilis na naglaho.

“Aba anak, ang galing ha, sana ganyan din sila kabilis maglaho!” natatawang sabi ni Aling Milagrosa.

Samantala. Sa silid ni Lito. Kinuha niya ang laptop niya at binuksan. Binisita niya ang FB Account ni Emilia. Nakapost doon ang ilang kuha nila mula sa una hanggang sa pinakahuli nilang pagde-date. Kita niya ang ningning sa mga mata ni Emilia sa bawat larawan nito na kasama siya, su­balit natatakot siyang ang lahat ng iyon ay bahagi lamang ng kanilang kasunduan.

“Maganda ka Emilia… pero mabait ka bang talaga?… gusto mo ba talaga akong kasama o napipilitan ka lang?… gusto mo ba talaga akong kausap o nagtitiyaga ka lang?…” mga tanong ni Lito sa isip na hindi pa niya mabigyan ng kasagutan sa ngayon.

Isinara ng binata ang laptop at nahiga saka tumingala sa kisame.

“Sana wala na lang kasunduan…walang pirmahan…walang pagkukunwari…”

Ipinatong niya ang isang braso sa mga mata at pumikit.

“Mas magiging masaya ako kung ang lahat ng makikita ko sa’yo ay walang bahid ng pagpapanggap…”

Ang ganoong isipin ay nakatulugan na lang ng groom to be.

Si Emilia mismo ang nagtahi ng isusuot niyang gown. Hiniling niya kay Don Roberto na payagan siya dahil ito ang hilig niya. Ang pananahi. Balak nga niya itong gawing negosyo sa hinaharap.

Habang tinatahi niya ang sariling gown ay kasabay niyang iniisip ang ginhawang maibibigay niya sa pamilya niya kapalit nito. Kaya naman inspirado siya. Subalit sa tuwing maiisip naman niya si Lito ay natitigilan siya. Nag-aalala kasi siya sa damdamin nito.

Baka napaginhawa nga niya ang pamilya niya, isang puso naman ang matatali sa kanya ng walang pag-ibig. Nakakalungkot ang ganitong kapalaran. Pero hindi siya nalulungkot para sa sarili niya kundi para kay Lito.