Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 436

Ika-5 na labas

“’Lo…” Tila nahihiyang awat ni Lito sa sinasabi ng lolo niya.

Abante Hiring – IT dep

“Naku Don Roberto e mukha namang napa­kabait nitong apo mo, siguradong mamahalin namin siya at ituturing na parang isang tunay na anak!” singit ni Aling Milagrosa na sincere sa sinabi niya.

Napangiti at napayuko naman si Lito sa narinig.

Marami pa silang napag-usapan bukod doon. Masaya at malawak ang naging takbo ng usapan tungkol sa dalawa. Napag-usapan na rin nila ang kasal matapos ang lunch.

Ilang beses pang nagkita at nagkaroon ng pag-uusap sa pagitan nina Don Roberto at pamilya Tolentino. Hanggang sa maging final na ang usapan at nagkaroon na ng pirmahan. Titig na titig si Lito kay Emilia habang pumipirma ito. Tila gusto niya itong pigilan.

Kung may telekinesis lang siya ay napagalaw na niya ang ballpeng hawak ng dalaga at pinatalsik iyon sa malayo. Pero wala na siyang magagawa. Tapos na ang pagpirma ni Emilia at ibinaba na nito ang ballpen.

“L-Lito, okay ka lang ba?”

“O-oo…O-oo…” Nauumid sa pagsasalitang tugon ng binata.

“Emilia, pasensya ka na sa apo ko, hobby niya ang tumitig sa mga bagay.” Biro ni Don Roberto na sinakyan naman ni Emilia.

“Gano’n po ba? Magkakasundo po kami ni Lito kasi mahilig din po akong tumitig sa mga bagay… sa mga bagay na magaganda tulad ng mga halaman at bulaklak.”

“Naku, sigurado ‘yan Emilia, dahil iyan ang pinakapaboritong gawin ni Lito, ang mag-gardening!”

“Talaga po?”

Nakangiting tumango ang matanda. Tila nahihiyang napatungo na naman si Lito.

Tila galing sa giyera na pagod na pagod ang pakiramdam ni Emilia nang matapos ang huling pag-uusap nila tungkol sa kasal. Ibinagsak niya ang katawan sa papag.

“Aray! Papag nga pala ‘to hindi kama, sakit tuloy!” Reklamo ni Emilia sa sarili na inabot at hinimas ang likod.

Bumangon na lang siya at naupo sa papag. Naupo siyang yakap ang mga tuhod.

“Lord, para sa pamilya ko hindi ko pagsisisihan ang naging desisyon ko anuman ang kahinatnan nito… isa na lang po ang hihilingin ko sa inyo… na sana maging magkasundo kami ni Lito…” Dasal niya sa isip lang habang nakatingin sa maliit na altar nila sa kuwarto.

Naputol ang pagdarasal at pagmumuni-muni ni Emilia nang biglang bumukas ang pintuan ng kuwarto at bumungad si Aling Milagrosa.

“Ay, sorry anak hindi na ako kumatok!”

Related Posts

“Okay lang po ‘Nay.”

Lumapit si Aling Milagrosa at naupo sa tabi niya.

“Anak, kung sakaling magbabago ang isip mo, maiintindihan kita…”

“Salamat po ‘Nay, alam kong nag-aalala kayo… pero hindi na po talaga magbabago ang isip ko… ang mas inaalala ko kapag sila ang nagbago ang isip… kasi pag nangyari ‘yon hindi natin matutubos itong bahay sa bangko at mapupurnada rin ang ginhawa na pinakaaasam-asam ko para sa pamilya natin.”

“Kapag nangyari ‘yon, ibig sabihin lang na hindi iyon ang kapalaran na nakalaan sa’yo at hindi rin nating kapalaran na guminhawa sa ganoong paraan, anong malay mo, tatama pala tayo sa lotto!”

“Lotto? Bakit ‘Nay tumataya ka po ba?”
“Hindi.”

“E pa’no tayo tatama?” Napapakamot sa ulong tanong ni Emilia.

“Kapag hindi natuloy ang kasal mo uumpisahan ko nang tumaya sa lotto!”
“Si Nanay talaga!”

Para magkalapit sina Lito at Emilia bago ang kasal ay nagset si Don Roberto ng isang romantic date para sa mga ito. Sa isang romantikong lugar gaya ng parke. Picnic style.

“E-Emilia, pasensya ka na sa lolo ko ha…siya naman ang may idea nito eh…”

“Bakit hindi mo ba gusto ang ideya niya?”

“No, actually okay naman to, kaya lang naiisip ko baka hindi mo ito gusto.”

“Alam mo kahit anong klaseng date pa ang ihanda ni Don Roberto para sa ating dalawa okay lang sa’kin, as long as masaya ka, masaya ko at naeenjoy natin ang company ng isa’t isa.”

“M-masaya ka bang k-kasama ako?” nahihiyang tanong ni Lito sabay yuko.

“Oo naman, kasi alam mo sa tingin ko at sa pakiramdam ko mabait ka namang tao.”

Tipid na napangiti si Lito, pagkuwa’y muling tumunghay ang mukha at ilang na tumingin kay Emilia.

“E-Emilia…pasensya ka na ha…”

“Pasenya na naman? Saan?”

Inginuso ni Lito ang mga bodyguards na nakapalibot sa kanila sa di kalayuan. Natawa ang dalaga.

“Ah ‘yan ba? Naiintindihan ko naman eh…pinoprotektahan lang tayo ng lolo mo. Saka nakadistansya naman sila sa atin eh. “

Nanahimik si Lito. Binasag ni Emilia ang katahimikang iyon.

“Lito, ikaw naman ang tatanungin ko, masaya ka rin bang kasama ako?” (Itutuloy)