Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 436

Ika-4 na labas

Saglit lang silang nag-usap ng matanda at nagpaalam na rin siya.

Abante Hiring – IT dep

Paglabas ni Emilia ng elevator ay nakabanggaan niya ang isang lalaki na nakasalamin at mukhang nerd.

“S-sorry…” Hingi agad nito ng paumanhin sa kanya at tila hiyang-hiyang pumasok sa elevator. Nakayuko ito at hindi makatingin sa kanya.

“Okay lang!” habol na sabi ni Emilia habang pasara ang pinto ng elevator.

Napangiti at napailing siya sa nakitang reaksyon ng lalaki.

“Grabe, nabunggo lang niya ko pero kung maka-react parang nakagawa ng krimen. Sana naman hindi ganon ang groom-to-be ko…” sa isip ni Emilia.

Samantala. Tahimik na pumasok si Lito sa silid ng lolo niya at nagmano.

“O, muntik na kayong mag-abot ni Emilia, hindi mo ba siya nakasalubong?”

“’Lo, sa dami po ng nakasalubong ko hindi ko alam kung sino siya do’n at saka hindi ko pa naman siya nakikita…”

“Napakasimple ng kagandahan niya apo sigurado akong magugustuhan mo siya.”

Naupo si Lito sa tabi ng kama ni Don Roberto at yumuko.

“Hindi mo naman kailangang gawin ‘to, Lolo, hindi ko kailangan ang makakasama sa buhay.”

“Apo, napag-usapan na natin ito ‘di ba?”

“Pero ‘Lo…”

“Wag kang mag-alala akong bahala.”

Hindi na kumibo si Lito, alam niyang hindi siya mananalo sa lolo niya.

“Teka, bakit nga pala wala ka na namang kasamang bodyguard?”

“Nagpaalam po, umuwi sa probinsya may sakit kasi ‘yung anak.”

“Gano’n ba? E binigyan mo ba ng pera?”

“Tulad po ng bilin n’yo, tulungan ang nangangailangan.”

Tinapik ni Don Roberto ang apo sa balikat kasabay ng pagngiti.

“Mabuti pa puntahan mo na ang doctor ko, mabuti na ang pakiramdam ko kaya uuwi na tayo.”

“Opo.”

Kinabukasan. Excited si Don Roberto sa pagdating ni Emilia at ng pamilya nito kaya naman marami siyang ipinalutong putahe. Lunchtime ang napagkasunduan nilang oras ni Emilia.

Samantala. Nakakulong naman sa kuwarto niya si Lito. Hindi niya mawari ang nararamdaman. Natatakot ba siya, nahihiya o ano? Hindi niya gusto ang ideyang ito ng lolo niya pero ni minsan ay hindi pa siya nakapangyari dito.

Habang nagbibihis ng polo ay nakaharap siya sa salamin. Tinitingnang mabuti ang sarili.

“Okay lang ‘yan Lito, para kay Lolo, kakayanin mo…” kausap ni Lito sa sarili.

Related Posts

Ilang katok ang nagpalingon sa binata sa pintuan. Binuksan niya ang pinto. Si Manang Flor.

“Sir Lito, nasa baba na ho ang mga bisita n’yo, ipinatatawag na kayo ng lolo n’yo.”

“Sige po Manang susunod na po ako.”

Kung kabado si Lito ay kabado rin si Emilia. Nangangamba siya na baka hindi siya magustuhan ng apo ni Don Roberto o baka hindi sila magkasundo. Sana lang totoo ang sinasabi ni Don Roberto na mabait ang kanyang apo.

Sa salas ng malaking bahay in-entertain ni Don Roberto ang pamilya ni Emilia habang hinihintay nila si Lito.

“Ikinagagalak ko kayong makilala Mr. and Mrs. Tolentino.” Ani Don Roberto.

“Kami rin po, natutuwa kaming nakilala namin kayo.” Sagot naman ni Aling Milagrosa.

Naputol ang pag-uusap nila nang pare-pareho silang mapalingon kay Lito habang pababa ito sa mataas at paikut-ikot na hagdanan.

Napanganga si Emilia. Ito ang lalaking nakabunggo sa kanya paglabas niya sa elevator.

Nanlaki rin ang mga mata ni Lito nang mamukhaan si Emilia.

“Siya si Lito, ang kaisa-isa kong apo!” Pakilala ni Don Roberto sa kanilang lahat.

Kinamayan ng mag-asawang Tolentino ang binata, at nakipagkamay rin si Emilia.

Sa pagdadaop ng palad nila ay tila nahiya ang dalaga sa kinis at lambot ng palad nito. Sa isip niya ay kutis mayaman talaga.

“Lito, this is Emilia.” Pakilala ni Don Roberto.

Tinanguan at nginitian ng binata ang dalaga. Sinuklian iyon ni Emilia ng matamis niyang ngiti.

Bumaling si Don Roberto kay Manang Flor.

“Manang, nakahanda na ba ang lunch?”

“Opo, Don Roberto.”

“Kung gano’n, doon na natin ipagpatuloy ang kuwentuhan habang kumakain tayo ng lunch, nagpaluto ako ng mga espesyal na putahe para sa inyo.” Ani Don Roberto sa mag-anak.

Tuwang-tuwa ang magkakapatid sa masasarap na pagkaing nakahain. Habang patuloy sa pagkukuwentuhan ang matatanda tungkol kina Emilia at Lito ay sige lang sila sa pagkain.

Pareho namang hindi mapalagay sina Lito at Emilia. Tila hindi sila komportable sa isa’t isa.

Sa isip ni Emilia…” Tama si Don Roberto, mukhang nerd at weird nga itong apo niya… parang maski sa lamok hindi mananalo ito…”

Sa isip naman ni Lito…” Mukha siyang weird… tingin pa lang parang kakainin niya ako ng buong-buo…”

Naglipat ang tingin ni Don Roberto kina Emilia at Lito.

“Emilia, Lito, bakit hindi kayo sumali sa usapan namin?”

“’Wag n’yo po akong intindihin, ‘Lo… bahala na po kayo kung anong mapagkasunduan n’yo.” Ani Lito.

“Ahm, Don Roberto, ayaw naman po namin na abusuhin kayo, naisip ko lang po na after po ng kasal at after naming makuha ang pera e malaya po si Lito na gawin ang gusto niyang gawin, kung may magustuhan po siyang babae, ok lang po sa’kin saka hindi rin po ako hahati sa anumang property o pera ng apo n’yo kahit makasal pa kami. Kung ano lang po ‘yung napag-usapan natin. Willing po akong pumirma.”

“Gusto ko ‘yang naisip mo Emilia, pero ang gusto ko sana matapos ang kasal n’yo ay bigyan n’yo ng pagkakataon ang isa’t isa na magkakilala at magkalapit, remember, ang kailangan ko ay ‘yung tao na makakasama ng apo ko for the rest of his life?”

“Opo, hindi ko po nakakalimutan ‘yon. Magiging mabuti po akong kaibigan sa kanya at hindi ko po siya iiwan kahit na anong mangyari.”

“Iyan ang gusto kong marinig Emilia, ‘yung hindi mo iiwanan itong si Lito ko kahit na ano pa ang mangyari!” (Itutuloy)