Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 436

Ika-3 na labas

“Anak, nag-aalala ka ba na hindi dumating yung susundo sa atin?”

“Medyo po, pero kung sakaling magbago ang isip ni Don Roberto okay lang po, wala naman tayong magagawa…wala namang mawalala sa atin…yung nga lang, hindi rin tayo magkakaron…”

“Ako rin nag-aalala anak, kasi…”

“Kasi po ano?”

“Kasi gabi na hindi pa tayo naghahapunan, gutom na ang mga kapatid mo!”

“Nay naman eh!”

“Uy tumawa! Pinapangiti lang kita anak, obvious kasi yung pag-aalala sa mukha mo.”
“Halata po ba nay?” nakangiting tanong ni Emilia.

“Oo anak, pero ‘wag kang mag-alala kahit pa magbago ang isip ni Don Roberto, wala namang mawawala sa pamilya natin, buo pa rin tayo kahit pa mawalan tayo ng bahay, e di mangupahan!”

“Tama ka nay.”

Makalipas pa ang isang oras ay magkakasalo nang naghahapunan ang mag-anak. Bagamat nakapang-alis pa rin sila ay wala naman ang gustong umimik,lahat sila ay tahimik lang na kumakain. Hanggang sa hindi na nakatiis si Emilia.

“Tay, nay, pasensya na po kayo ha…hindi ko po alam kung anong nangyari…”

“Anak, hindi mo naman kailangang humingi ng pasensya, pare-pareho naman nating hindi alam kung anong nangyari kung bakit hindi dumating ang susundo sa atin…” si Aling Milagrosa.

“Baka naligaw ate!” singit ni Perlita na pinakabunso.

“Or baka naman na-traffic lang.” hirit naman ni Yasmin na sampung taong gulang.

“Ano ‘to Manila?” naiiling na sabi ni Bob na disisais.

“E baka naman po nakakita na ng mas mabait at mas magandang babae kaysa kay Ate Emilia!” si Gabriel na pangalawang panganay.

“Tse! Magsitigil nga kayo diyan. Baka may nangyari lang talaga na hindi natin alam.”

“Ang tanong, aalamin mo pa ba kung anong nangyari anak?” tanong naman ni Mang Caloy.

“Syempre naman po tay, handa naman po ako kung sasabihin niya na nagbago na po ang isip niya.”

Malungkot na nagkatinginan ang mag-asawa.

Handa nang matulog si Emilia nang mapabalikwas siya ng bangon sa pagkarinig niya ng sunod sunod na katok mula sa pintuan ng silid nilang magkakapatid. Dalawang double deck ang higaan nila. Tag-iisang deck ang mga kapatid habang siya ay sa maliit na papag na kasya lang ang isang tao dahil siya naman ang panganay.

Tumayo siya at binuksan ang pinto.

“Nay bakit po, hindi po ba kayo makatulog?”

Sa halip na sagutin ang tanong ay inginuso na lang ni Aling Milagrosa ang dahilan. Sinundan iyon ng tingin ng Emilia.

“M-Mang Hulyo?”

Nilapitan ni Emilia ang driver ni Don Roberto. Tumayo ito mula sa pagkakaupo nang makita siya.

“Emilia, pasensya ka na kung dumating ako ng ganitong oras.”

“E bakit nga po ba?”

“Kasi paalis na sana ako kanina nang biglang sumpungin ng sakit niya si Don Roberto kaya isinugod ko muna siya sa ospital.”

“Ho? Kumusta na ho siya? Ano bang sakit niya?” may pag-aalala sa tinig ng dalaga.

Related Posts

Muling pinaupo ni Emilia si Mang Hulyo habang nag-uusap sila.

“High blood at sa puso. Maayos na ang lagay niya nang iwan ko siya, gusto niya kasi na pumunta pa rin ako dito para sunduin kayo.”

“Para sunduin?”

“Oo, sa ospital ko nga lang kayo dadalhin. Pero hindi naman niya kayo pinipilit pwede namang bukas na kung makakauwi rin siya agad sa mansion.”

Nagkatinginan ang mag-ina.

“Nay, pwede bang ako na lang muna po ang sumama?”

“Sigurado ka ba anak? Pwede naman daw bukas na lang.”

“Gusto ko rin pong makita ang lagay ni Don Roberto ngayon.”

“Ganon ba, teka lang…”

Kinuha ni Aling Milagrosa ang cellphone at inilagay sa camera.

“Anong gagawin mo nay?”

“Saglit lang, kukunan ko kayo ng picture nitong si Mang Hulyo nang sa ganon ay may ebidensya ako na siya ang sumundo sayo rito.”

“NAY !” nahihiyang bulalas ni Emilia.

Napakamot sa ulo si Mang Hulyo pero game itong nakipagpicturan sa dalaga. Nag wacky pose pa.

“Teka, parang ang saya, nak sama kaya ako?”

“NAY!”

“Joke lang! sige na lumakad na kayo.”

“Wait lang po Mang Hulyo magbibihis lang po ako.”

“Sige.”

Pagtalikod ni Emilia ay nilapitan ni Aling Milagrosa si Hulyo.

“Hoy ikaw, ingatan mo ang anak ko ha, hindi ako matutulog hanggat hindi mo siya naibabalik ng ligtas dito.”

“Wag po kayong mag-alala, pamilyado po akong tao at mahal ko rin po ang pamilya ko.”
“Mabuti naman kung ganon.”

Ospital.

Napangiti si Don Roberto nang bumungad si Emilia sa pintuan ng silid.

“Kumusta ho kayo?”

“Mabuti na kaysa kanina. Salamat at nandito ka.”

Lumapit si Emilia.

“Sabi ko na nga ba tama ang kutob ko na may nangyari kaya hindi nakarating si Mang Hulyo kanina.”

“Magaling ang instinct mo hija, teka kasama mo ba ang pamilya mo?”
Umiling ang dalaga.

“Tulog na po ang mga kapatid ko kaya bukas na lang po siguro saka kailangan nyo rin pong magpahinga, sumama lang po ako kay Mang Hulyo para personal kong ma-tsek kung okay na kayo.”

“Salamat Emila, napakabuti mo. Ang apo ko maya-maya lang ay nandito na rin ‘yon. Nasa opisina pa kasi siya kanina nang isugod ako rito ni Hulyo.”

Kinabahan si Emilia nang malamang darating din ang apo ni Don Roberto. Hindi niya matiyak kung bakit siya kinabahan basta na lang niya naramdaman. Ewan kung nahihiya ba siya o natatakot o ano. (Itutuloy)