Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 467

(Ika-24 na labas)

Kasalukyang abala sa trabaho si Emilia nang makatanggap siya ng tawag mula sa driver ni Don Roberto na si Hulyo.

“Yes po Mang Hulyo?”
“Pwede mo ba kaming puntahan sa ospital, si Don Roberto kasi inatake.”
“Ho? Sige po pupunta na’ko!”

Dahil kapamilya na ang turing sa matanda ay nataranta si Emilia sa natanggap na balita. Agad siyang nagpaalam sa bago niyang boss na pumalit kay Lito.
“Go ahead Emilia.”
Habang daan sakay ng taxi ay panay ang dasal ng dalaga na sana ay walang masamang mangyari sa matanda. Na sana ay malampasan nito ang atake sa puso.
Pilit niyang pinakalma ang sarili hanggang sa makarating siya sa ospital. Sinalubong agad siya ni Hulyo.

“Emilia, alam mo ba kung paano natin makokontak si Sir Lito?”
“Ha, e sorry po Mang Hulyo pero si Don Roberto lang ang nakakaalam eh.”
“Gano’n ba…”
“Ano kumusta ang lagay niya?”
“Nasa emergency room pa siya, pero nandoon ang doctor nila kaya kahit paano panatag ako na magiging okay siya.”

Matiyagang naghintay ang dalawa sa lobby.
Makalipas ang ilang oras ay pinayagan na silang makapasok sa loob ng room ni Don Roberto.
“Emilia, ikaw na lang muna ang pumasok, matutuwa siya kung makikita ka niya.”
“Sige po Mang Hulyo.”
Hindi naiwasan ni Emilia ang mapaluha sa nakitang kalagayan ng matanda na napamahal na rin sa kanya.
“Don Roberto…”

Related Posts

“S-salamat… nandito ka…” anito sa hirap na pagsasalita.
“Sabihin n’yo po sa’kin kung paano makokontak si Sir Lito, para malaman niya ang nangyari sa inyo.”
Umiling ang matanda.
“‘Wag kang mag-alala, darating na siya…”
“Kung gano’n po, sige magpahinga muna po kayo, nandito lang po ako babantayan ko kayo.”

“Salamat, kasi kahit nakuha mo na ang p-pera, ang pinagkasunduan natin, h-hindi mo pa rin kami iniwan… at i-ipinakita mo sa akin kung gaano ka ka-deserving sa t-trabahong binigay ko sa’yo… at higit sa lahat… alam ko na mahal mo ang aking apo…”
Nagulat si Emilia sa huling parte ng sinabi ni Don Roberto.
“P-paano n’yo po nalaman?”

“M-madalas kong kausap ang mga magulang mo sa t-telepono… kaya naman m-masaya akong nakilala ko ang pamilya mo d-dahil mabubuti kayong tao…”
“Dahil mabuti rin po kayong tao Don Roberto… sobra-sobra po ang pagtitiwalang ibinigay n’yo sa’kin at sa pamilya ko, kaya hindi ko kayo bibiguin. Habambuhay ko kayong pasasalamatan.”
Napalingon sa pintuan si Emilia nang tumingin doon si Don Roberto.
“S-sir Lito!”

May hawak na boquet ng bulaklak si Lito at isang singsing.
Nagtatakang naglipat ang tingin ni Emilia sa maglolo.
“Emilia, I’m sorry… sorry kung pansamantala akong lumayo…”
“Pero bakit? Akala ko okay na tayo…”
“Kasi natakot ako eh… natakot akong sumubok na magmahal… naramdaman ko kasi na mahal na kita…at sinubukan kong iwasan ‘yon…”
“Bakit ka natatakot magmahal dahil ba natatakot ka ring masaktan?”
“D-Dahil hindi ko alam kung paano…”
“Ehem, pwede ba i-fast forward na natin ‘to.” Singit ni Don Roberto sa hirap na pagsasalita.
Agad lumuhod si Lito sa harapan ni Emilia.
“Emilia, would you be my wife?”
“Ahm… sure ka na ba diyan?”
“Yes, I want to marry you.”
“Paano kung ikaw naman ang iwanan ko sa harap ng altar?”
“E ‘di susundan din kita, kahit saan ka magpunta tulad nang ginawa mo sa’kin.”
“E doon nga sa huling pinuntahan mo hindi kita nasundan kasi pinagtaguan mo ako eh…”
“H-hindi ko na gagawin ‘yon.”
“Weh ‘di nga?”

“Is it a yes or no?” mataas na ang boses ni Lito.
Tatayo na sana ito pero agad pinigilan ni Emilia.
“Oo na, yes na yes na, ikaw naman hindi ka mabiro. Isuot mo na ang singsing!” Matapos isuot ang singsing sa dalaga ay lumapit sila kay Don Roberto.
“Lo, hindi ka nabigo, ngayon hindi na fake ang kasal namin ni Emilia, dahil totoo na rin ang nararamdaman namin para sa isa’t isa.
“Fake?” nagtatakang tanong ng dalaga.
“O-Oo, siyempre gusto rin makasiguro ni lolo dati… pero alam ko ngayon na siguradong-sigurado na siya, ‘di ba lo?”
Tumango ang matanda.

“Salamat sa Diyos dahil hindi niya ako binigo sa inyong dalawa.”
“Salamat din po Don Roberto.”
“Emilia, lolo na ang itawag mo sa’kin.’
“O-opo Lolo Roberto…” nakangiting sabi ng dalaga.
Parehong hinawakan ni Don Roberto ang kamay ng dalawa.
Makalipas lang ang ilang araw ay namayapa na rin si Don Roberto.
Malungkot na tinititigan ni Lito ang labi ng kanyang lolo na nasa isang maganda at mamaha­ling kabaong. Nilapitan siya ni Emilia.
“Sayang…hindi na niya masasaksihan ang magiging kasal natin…” anang dalaga sa mahinang boses.

“Okay lang, at least alam natin na payapa siyang umalis… alam kong panatag na ang kalooban niya…”
“Pero kahit na… nakakalungkot pa rin…”
Humarap si Lito sa dalaga.

“‘W-wag ka na malungkot… alam mo ba nu’ng nagtatago ako sa’yo palagi kong kausap si lolo sa phone. Sabi niya, sige raw hahayaan daw niya akong makapag-isip, hahayaan daw niya akong masiguro kung ano ba talaga ang gusto ko… kung pipiliin ko raw ang mag-isa palalayain ka na raw namin…pero kapag na-realize ko na mahal talaga kita, bumalik daw ako at kailangan ko iyong sabihin sa’yo…” (Itutuloy)