Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 436

(Ika-22 na labas)

“Kaya mo ba?”
Tumingin si Emilia sa ina.

“Oo naman ‘nay, keri lang ‘yan ako pa?”
Nanahimik si Aling Milagrosa.

“Sa laki po ng naitulong sa atin ni Don Roberto, hindi ko siya magagawang tanggihan… dahil kung tutuusin itong ipinapakiusap niya pabor din sa akin ito, sa atin… malaking bagay…”

“Korek anak. Saka isa pa, love mo naman si Lito ‘di ba?”
“NAY!”

“Joke lang, feeling ko lang kasi.”

Isang ‘di maikakailang tamis ng ngiti ang sumilay sa mga labi ni Emilia.

Sa airport na nagkita sina Lito at Emilia. Kasama ang dalawang bodyguard at dalawa pang staff. Tahimik lang si Lito. Gano’n din si Emilia. Nagpapakiramdaman sila.

Bawat hakbang ni Lito ay sinusundan lang ng dalaga.

Maging ang mga kasama nila ay nakikiramdam lang din sa kanila.

Sa eroplano. Pinipilit ni Emilia ang kumalma. Takot kasi siya pero wala siyang balak na ipahalata iyon sa mga kasama lalo na kay Lito. Kaya poise na poise siya kahit pa pakiramdam niya ay masusuka na siya.

Palihim naman siyang sinusulyapan ni Lito na siyang katabi niya sa upuan. At nahahalata nito sa mukha ng dalaga ang pamumutla.

Maya-maya pa ay hindi na nakatiis si Lito. Iniabot nito ang supot kay Emilia.
“Sumuka ka na dito or magpunta ka sa restroom.”
“Okay lang ako.”
Napailing si Lito.

Sige naman sa pagpipigil sa nararamdaman niya ang dalaga.
“Lord, not now…” dalangin niya sa isip lang.

Related Posts

Pero mukhang walang signal sa langit kaya hindi siya nadinig ni Lord. Gusto nang lumabas ng suka niya. Umiikot na ang paningin niya at nanlalata na siya.
Masusuka na siya. Masusuka na talaga siya….
Naalarma na si Lito.

“No, no, no!”
Napigilan pa naman ni Emilia ang sarili.

“Takot ka noh?” Nagawa pa niyang sabihin kay Lito na tila nang-iinis.
“Go to the restroom, now.” Matigas na sabi ng binata.
“Opo, ‘eto na nga, gogora na.”

Hindi na nakatiis si Emilia, halos takbuhin niya ang airplane restroom.
Pagdating sa hotel na titigilan nila ay namangha si Emilia.
“This is La Meridiana Garlenda Hotel, let’s go.” Ani Lito sa mga kasama.
Biglang tumunog ang cellphone ni Emilia.
“Nay pa’no n’yo ‘ko nakontak?”

“Pinagamit ni Don Roberto ang cellphone niya anak, name-miss ka na namin agad e, anak kumusta na ba kayo diyan?”
“’Nay ha, ang korni na, ‘di pa nga po kami nakakapasok sa hotel eh.”
“Anong hotel ‘yan anak ?”

“Ahm… ano po, La Merienda Gardenia..”
Natawa si Lito sa narinig.
“It’s La Meridiana Garlenda.”
Napalingon sa kanya si Emilia.
“A basta po ‘nay, itetext ko na lang.”

Lihim ding natawa si Emilia sa sarili. Pero kahit anupaman at least ay nakita niya ulit na ngumiti ang binata.

4 rooms ang kinuha ni Lito isa para sa kanya, isa para kay Emilia, isa para sa dalawang staff na babae at isa para sa dalawa nilang bodyguard.
“Magpahinga na kayo guys and tomorrow makikipag meet na tayo sa mga makakasama natin sa seminar.”

“Yes sir!” ang sabay-sabay nilang sagot.
Pagkasabi niyon ay tahimik na pumasok na si Lito sa room niya. Ganoon din si Emilia.
Nang mga sumunod na araw ay naging abala na silang lahat sa seminar. One week seminar iyon. Kaswal na kaswal ang pakikitungo ni Lito sa dalaga kahit deep inside ay gustong-gusto na niya itong yakapin at halikan kung pwede.

Kapag nga nagkakaroon ng pagkakataon ay palihim niya itong tinititigan.
Lingid sa kanya ay ganoon din ang style ni Emilia. Palagi rin itong humahanap ng tiyempo para matitigan ang binata.
Matapos ang mga abalang araw. Nakita ni Emilia si Lito na mag-isang nakaupo sa romantic corner ng hotel. Nag-alinlangan siyang lapitan ito pero nanaig ang kagustuhan ng puso niya.

“Sir Lito.”
Nilingon siya nito.
“Bakit Emilia, may kailangan ka ba?”
“W-wala naman…itatanong ko lang kung kelan tayo babalik sa Pilipinas since tapos na ang seminar?”
Ilang saglit ang pinalipas ni Lito bago tumugon.
“Tomorrow.”

“Tomorrow? Agad-agad?”
“Gusto mo pa bang mag stay dito?”
Napangiti si Emilia.
“Kung pwede nga lang dito na tumira sa ganda nitong lugar, pero mas gusto ko pa rin umuwi sa family ko…ikaw sir?”
Hindi sumagot ang binata.
“Sir, gusto mo ba try natin ‘yung bar dito?”
“What?”

“Ang boring kasi sir, wala man lang tayong maibabaon na magandang memories pauwi sa’tin.”
Hindi na naman sumagot ang binata. Nakiramdam lang si Emilia.
Nagulat ang dalaga nang biglang hawakan ni Lito ang kamay niya at halos hilahin siya nito sa isang direksyon.
“Sir, teka saan tayo pupunta?”
“Relax.”

“Ha? Sir, please,’wag po!”
Humantong sila sa bukana ng hotel bar. Nagkatinginan sila at nagkangitian sa isa’t-isa.
“Game?” nangingislap ang mga matang tanong ni Emilia.
Isang tango lang ang itinugon ng binata at pumasok na sila sa loob.
Sa bilis lumipas ng oras ay hindi nila namalayan na nakarami na pala sila ng naiinom na tequila. Ang dami nilang tinikman.

“Sir, alam mo bang ngayon lang ako nakatikim ng tequila?”
“Syempre hindi ko alam.”
“Ngayon alam mo na!” (Itutuloy)