Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 465

Ika-20 na labas

Naiwan si Emilia sa kusina na nagtataka sa na­ging kilos ng binata. Hindi niya ito inaasahan sa kanya.

Napatingin ang dalaga sa may takip sa mesa. Inalis niya ang takip at natakam siya nang makita ang spaghetting sinasabi ni Lito. Agad siyang kumuha ng plato at tinidor at mag-isang kumain doon.

Hindi lang si Emilia ang nakapansin ng pamumutla ni Lito kundi maging si Aling Milagrosa.
“Sir Lito, tinawagan ko na si Don Roberto ang sabi ko dito ka na muna magpapalipas ng gabi.” Si Emilia.

“What?”

“Tama si Emilia, maputla ka saka ayan na ang ulan o, malakas ‘yan tapos gabing-gabi na rin naman.” Segunda ni Aling Milagrosa.

“Pero…”

“Don’t worry Sir, aalagaan ka namin dito, alam mo ba mahusay na nurse si Nanay at minana ko ‘yon sa kanya.”

“Nurse po kayo?”

Natatawang umiling ang matanda.

“Hindi, pero parang gano’n na rin, kasi sa tuwing may magkakasakit dito sa’min ako ang nag-aalaga sa kanila at gumagaling naman sila sa mga kamay ko.”

Napangiti ang binata.

“’Nay, Sir, maiwan ko muna po kayo ha, aayu­sin ko lang ang higaan.”

Pagpasok sa kuwarto nila ay hindi magkama­yaw ang magkakapatid sa kung paano nila aayusin ang silid.

“Ate nawalisan ko na ‘yan!” ani Yasmin.

“Oo, wawalisan ko lang ulit.”

“Ate ikakabit ko na ba ’tong kurtina?” Tanong ni Gabriel.
“Ako na diyan, pakipalitan mo na lang itong mga punda ng unan.”
“Teka ate, saan naman tayo matutulog nito?” tanong ni Bob.
“Doon tayong lahat sa kuwarto nila Nanay.”
“Ha? Kasya ba tayo do’n?”

“Oo naman, dati nga isa lang talaga kuwarto natin ‘di ba?”

Lumapit si Gabriel sa ate niya at pabulong na sinabi.

“’Te, ba’t ‘di pa kasi natin galawin sa banko ‘yung perang ibinayad sa’yo ni Don Roberto para maipagawa natin itong bahay, mapalakihan ba, saka para may sari-sarili na tayong kuwarto?”

“Saka na, pinag-iisipan pa namin nila Nanay at Tatay kung paano iyon gagastusin, para sa pag-aaral ninyong apat at sa binabalak naming negosyo.”

Hindi na kumibo si Gabriel at bumalik na lang ito sa ginagawa.

Paglabas ni Emilia ng silid ay nakita niyang nakahiga na si Lito sa sofa nila. Marahan niya itong nilapitan. Nang makalapit ay saka sinalat ang noo.

“Sir, nainom mo na ba ‘yung gamot na binigay ni Nanay?”
Tumango ang binata.

Related Posts

“Gusto mo bang dalhin kita sa doctor o patawagan ko kaya kay Manong ang doctor n’yo?”
“No need. All I need is rest.”

Naupo si Emilia sa katabing upuan ng sofa.
“Kasi Sir palagay ko nabinat ka eh, nanood ka pa kasi ng dvd.”
“Emilia, zipper your mouth, I just want to rest.”

“Okay po, tara na sa kuwarto, mas makakapa­hinga kayo ng maayos do’n.”
Nabigla pa si Lito nang alalayan siya ng dalaga sa pagtayo hanggang sa paglalakad patungong silid.

Nang mapag-isa na sa silid ng magkakapatid ay iginala ni Lito ang paningin. Maliit, masikip subalit maayos ang kuwarto na ‘yon. Mukhang magiging komportable naman siya.

Mas pinili niyang mahiga sa makitid na higaang papag na sinapinan ng kulay asul na comforter na lingid sa kanya ay siyang higaan ni Emilia.

Hindi niya alam kung bakit agad siyang nahimbing sa higaang iyon.
Sa kabilang kuwarto ay hindi naman mapalagay si Emilia, tumayo siya at nagpasyang silipin si Lito. Tamang-tama namang hindi ito naglock ng pinto. Bahagya niya itong binuksan. Napamaang pa siya nang makitang sa mismong higaan niya ito natutulog.

Dahil mukhang nahihimbing na ito kaya ipi­ninid na niya ang pinto at bumalik sa silid ng mga magulang.

Kinabukasan.
Maagang gumising si Emilia para ipaghanda ng almusal si Lito. Nagsangag siya ng kanin at nagprito ng itlog, tuyo, at hotdog. At saka niya ito ipagti­timpla ng kape kapag nagising na.

“’Nay siguro okay lang naman po na gisingin ko na siya hangga’t mainit pa ang sinangag, hindi na kasi masarap kapag lumamig na ang pagkain.”

“Oo anak, sige gisingin mo na siya tutal naman ay medyo tanghali na rin.”
Kinatok ni Emilia ang kuwarto. Walang tugon.

Inulit niya ang pagkatok. Wala pa ring tugon.
“Teka, ba’t naka-lock ‘to? Kagabi hindi naman ah?”
Nagsimula siyang mangamba nang wala siyang marinig na kahit anong pagkaluskos sa loob.
“Sir Lito?”
Wala pa ring tugon. Tinawag na niya si Aling Milagrosa.
“’Nay baka kung ano nang nangyari doon sa loob!”
“Ano ka ba, ang nega mo, baka naman napahimbing lang ‘yung tao.”
Nilapitan sila ni Mang Caloy.
“Ano bang nangyayari d’yan?”

“Si Sir Lito kasi e ‘di sumasagot. ‘Tay asan po ba si Manong?”

“Nasa labas, doon kami nagkape. Sige tumabi ka diyan at pepwersahin ko na lang ang pinto.”

Pinuwersa nga ni Mang Caloy ang pinto at nabuksan naman ito. Napabalikwas ng bangon si Lito sa gulat.

“A-ano pong nangyayari?” Kinabahang tanong nito.

Nagkatinginan sina Emilia, Mang Caloy, at Aling Milagrosa.

“P-Pasensya ka na Sir, akala kasi namin kung ano nang nangyari sa’yo eh…”

“Oo nga, eh tutal gising ka na rin lang, tara na sa kusina at masarap ang nilutong almusal ni Emilia.”

“S-sige po susunod na’ko.”

Nagbubulungan pa ang mag-ina habang pabalik sa kusina.

“Mantika lang pala siya matulog ‘nay…”

“Ikaw kasi eh.”

Tahimik lang sa pagkain si Lito. Pero lahat nang inihain sa kanya ng mag-ina ay naubos niya.

Matapos kumain ay nagpaalam na ito.

“Aling Milagrosa, Mang Caloy, Emilia, salamat sa pag-aasikaso n’yo sa’kin. At sa inyo rin mga kids. Nag-enjoy ako sa company nyo.”

“Walang anuman sir, e sure ka ba okay na okay na ‘yung pakiramdam mo?” May pag-aalala pa rin sa tinig ni Emilia. (Itutuloy)