Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 436

Ika-2 na labas

“Gano’n ba?”

“E sige na po Don Roberto, saka na lang po ulit tayo mag-usap.”

“Pag-isipan mo Emilia.”

“Pag-isipan n’yo rin po muna, baka po nabibigla lang kayo sa pagpili sa akin, hindi nyo pa’ko kilala maliban sa pangalan ko.”

At doon natapos ang kuwento ni Emilia sa mga magulang at kapatid na mga nakatunganga sa mesa habang nagkukuwento siya.

“So ibig mong sabihin nakapagdesisyon ka na agad-agad?” tanong ni Aling Milagrosa sa anak.

“E ‘nay kasi, kahit magkandakuba si tatay sa bukid at magkandakuba rin kayo sa paglalabada hindi naman natin kikitain ang ganong halaga, ‘di ba?”
Nagkatinginan ang mag-asawa.

“Oo nga, ang kaso anak, ikaw ang inaalala namin ng nanay mo, paano ka?”

“Ang dami naman pong nagkakamali sa pagpapakasal pero sa hiwalayan lang nauuwi, ako magkamali man at least may dalawang milyon tayo!”

“Ang taba ng utak mo, Ate!” Singit ni Gabriel.

“Ate ibili mo ako ng malaking Barbie kapag nabigay na sa’yo ‘yung pera ha!” si Perlita, ang bunso nila.

“Heh! Magsitigil nga kayo diyan. Ang reason ko talaga bukod sa ikagiginhawa natin, ay para dito sa bahay, ‘di ba next month maiilit na’to ng bangko?”

“Oo nga pala… iyon ang pinakamalaki nating problema..” ani Aling Milagrosa na lumungkot ang mukha.

“So pa’no ‘Nay, ‘Tay, baka naman po p’wede n’yo na akong payagan, tutal naman 24 na po ako. At hanggang high School lang po ang natapos ko kaya nahihirapan talaga akong makakuha ng magandang trabaho, ito na po ‘yung pagkakataon.”

Sa halip na sumagot ay nagyakap ang mag-asawa at umatungal na parang mga baka. Napapailing na nagkatinginan ang magkakapatid.

“Ang korni nila.” Bulong ni Emilia sa mga kapatid na palihim na nagtawanan.

Kinabukasan din ay sinadya ni Emilia si Don Roberto sa opisina nito.

“Don Roberto…”

Napangiti ang matanda nang makita siya.

“Emilia, halika hija, tuloy ka!”

Pinaupo ng matanda ang dalaga sa upuan.

Related Posts

“Paano mo nalaman ang opisina ko? Alam mo ba na ipinahahanap kita sa driver ko pero hindi ka raw nya matiyempuhan sa paglalako mo ng banana cue at wala rin makapagturo kung saan ka nakatira!”

“Gano’n po ba? Ahm ilang araw po kasi akong hindi naglako dahil pinag-isipan ko pong mabuti ‘yung alok n’yo… saka sa kabilang bayan pa po ako nakatira, malayo po talaga ang nararating ko sa paglalako. Nalaman ko naman po ang address nitong opisina n’yo sa Facebook, sinearch ko po kayo.” Nakangi­ting paliwanag ng dalaga.

“Ganun ba? Medyo matagal na rin akong hindi nakakapag-Facebook, malabo na kasi ang mga mata ko. Sa susunod na linggo nga ay doon na ako mag-oopisina sa bahay para hindi na rin ako mapagod sa biyahe sabi ng doctor ko.”
“Ganon po ba?”

“Teka, ibig bang sabihin kaya ka nandito ngayon ay dahil tinatanggap mo na ang alok ko?”
Napayuko si Emilia. Pero agad ring tumunghay.

“Don Roberto, ayoko pong isipin niyo na sinasamantala ko kayo…pero kung sa tingin niyo ho ako ang solusyon sa problema nyo, baka nga ho kayo rin ang solusyon sa problema ko…kasi bukod sa kahirapan, yung bahay po namin maiilit na rin ng banko sa susunod na buwan eh…”

Tumango tango ang matanda.

“Pero Don Roberto hindi naman ho kailangan ganun kalaki, yung matubos ko po ang bahay namin at mapaginhawa ko ng konti ang pamilya ko, okay na po yun! Saka pwede nyo pong itsek sa banko kung nagsasabi ako ng totoo.”

“Hindi mo na kailangan sabihin ‘yan. Dahil pumayag ka na, okay lang naman siguro na ipa-background check kita, hindi dahil sa wala akong tiwala kundi para sa ikapapanatag lang ng apo ko dahil siguradong mag-uusisa siya ng tungkol sa’yo.”

“Opo, okay na okay lang po.”

“Kung ganon, pwede ba kitang maimbitahan sa bahay kasama ang buo mong pamilya, nang sa ganon ay makilala ko sila at makilala mo na rin ang aking apo?”

“Kelan po?”

“Sabihin mo sa akin ang address nyo at ipasusundo ko kayo mamayang gabi, mga 7pm para sa dinner.”

“S-sige po.”

Isinulat ni Emilia sa papel na ibinigay sa kanya ni Don Roberto ang address nila.

Hapon. Hindi magkadatuto ang pamilya ni Emilia sa kung anong isusuot nilang damit sa pagharap kay Don Roberto.

“Anak, tingin mo ba okay na’to?” sukat sukat ni Aling Milagrosa ang damit na isinuot pa niya sa unang date nila ng asawa.

“Opo nay, nagmukha kayong dalaga ulit dyan!” nakangiting sabi ni Emilia.

“E ito anak?” singit na tanong naman ni Mang Caloy.

“Barong? Tay hindi pa naman ako ikakasal eh, mag-uusap pa lang!”

Pumiili ulit ng iba pa sa aparador si Mang Caloy.

“Teka, ang mga kapatid mo bihis na ba sila?” tanong ni Aling Milagrosa.

“Opo kanina pa, mga excited eh gabi pa naman tayo susunduin.”

Gabi.

Mula sa terrace ay nakatanaw si Emilia sa malayo. Nilapitan siya ng ina. (Itutuloy)