Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 463

Ika-19 na labas

“Ahm, Don Roberto, okay lang po ba kung hindi na muna ako pumasok sa trabaho? Kahit ilang araw lang po, mag-iipon lang ako ng lakas ng loob. Nahihiya po kasi ako baka pinag-uusapan na nila ko doon.”

“I understand, iha. By the way, pinag-iisipan kong pagbakasyunin kayo ni Lito kasabay ng seminar sa Italy.”

“Italy?” Nanlaki ang mga mata ni Emilia.

“Yes. Hindi ko na kasi kaya ang bumiyahe, kaya iniisip kong kayo ang maging representative ko sa gaganaping seminar doon.”
“P-pero po…”

“Emilia, think about it wisely, hindi lang ito para sa iniisip kong bonding n’yo ni Lito kundi para na rin sa kompanya. Malaki ang tiwala ko kay Lito when it comes to business. At nagtitiwala rin ako sa’yo.”

“Sige po, salamat… Salamat po sa tiwala… pero kukunsultahin ko muna po ang mga magulang ko.”

“Tama ‘yan, I know how you respect your parents.”

Dahil sa mga sinabi ng matanda ay napuno ng kaba ang puso ni Emilia. Kaba na makatuntong sa ibang bansa na isa lang pangarap para sa kanya at mas higit pang kaba sa isipin na magkakasama sila ni Lito na silang dalawa lang sa isang malayong lakad.
Samantala.

“A-ano pong luto ito?” tanong ni Lito na titig na titig sa pagkaing inihain sa kanya ni Aling Milagrosa.

“Masarap ‘yan, spaghetti ala sardines!”
“Spaghetti ala sardines?”

“Oo, ispageti na may sardinas, ngayon ka lang ba makakatikim niyan?”
Tumango ang binata.

“P’wes, hindi ka magsisisi, kasi favorite ‘yan ni Emilia!”
“Talaga po?”
“Oo kaya tikman mo na!”

Unti-unti pa ang ginawang pagtikim ni Lito sa spaghetting inikot sa tinidor. Titig na titig naman si Aling Milagrosa sa binata habang hinihintay ang magiging komento nito.

Bubuka pa lang ang bibig ni Lito para magbigay ng komento ay hindi na nakatiis ang magkakapatid, biglang nagsuguran na ang mga ito sa mesa.

“’Nay, sorry ha, tomguts na rin kami eh!” ani Bob na kumuha na ng sariling plato.
“Oo nga ‘nay, favorite ko rin ‘to eh!” si Perlita.

Sina Gabriel at Yasmin ay nagsikuha na rin ng kanya-kanyang plato.

“O siya, siya, sige na magsikain na rin kayo at alam kong kanina pa kayo takam na takam!”

Bumaling si Aling Milagrosa kay Lito.

“Lito, pasensya ka na sa mga anak ko, ganyan talaga sila kahit na anong ihain ko, excited sila. Lalo na kapag spaghetti!”

“No wonder Aling Milagrosa kung gaano kayo kasarap magluto, kitang-kita sa mga anak n’yo, and this one, masarap talaga, can I take out for Lolo?”

“Ay oo naman, sige sandali at ipagbabalot kita!”

Nagtataka sina Emilia at Don Roberto kung bakit gabi na ay wala pa si Lito. Hindi naman nila makontak ang cellphone nito pati ang bodyguard.

“Imposible namang pareho silang low batt?” nagtatakang anang matanda.

“Buti pa po uuwi na’ko, baka sakaling nasa bahay pa siya.”

“Sandali lang, ipapahatid kita kay Hulyo.”

“Ay ‘wag na po Don Roberto, kaya ko namang umuwi.”

“No, I want to make sure that you’ll be safe. ”

“Thanks po.”

“Emilia, let me know kung nandoon pa si Lito.”

Related Posts

“Yes po.”

Nakahinga nang maluwag si Emilia nang makitang nakaparada pa roon ang kotse ni Lito.

“Mang Hulyo, salamat po, dito na lang ako.”

“Sige, ingat.”

Pagpasok ni Emilia sa bahay ay nagulat siya sa dinatnang eksena.

Nasa gitna si Lito, may hawak na popcorn. Katabi nito ang apat na kapatid niya na may kanya-kanya ding hawak na mga popcorn at sa kabilang upuan ay ang nanay at tatay niya.

Nakasalampak naman sa sahig ang bodyguard na si manong. May pizza sa lamesita at tinimplang juice. Isang horror movie ang nakasalang sa dvd nila.

Lahat ay napalingon kay Emilia na nasa pintuan.

“O, anak, nandiyan ka na pala, buti at dumating ka na, lika maganda ‘tong pinapanood namin!” ani Aling Milagrosa.

Nakatingin lang si Lito.

“Tara na ate, ang daming food oh, umorder ng pizza si Kuya Lito, saka eto o may mga pop corn!” excited na balita ni Yasmin.

Hindi pinansin ni Emilia ang anyaya ng ina at kapatid. Sa halip ay bumaling ito sa binata.

“Sir Lito, pwede ba kitang maistorbo sa pa­nonood mo?” ani Emilia.

“Sure.”

Tumayo si Lito. Marahan siyang hinila ni Emilia sa bandang kusina.

“Sir anong ginagawa mo?”

“Pinuntahan kita, kasi kala ko hindi ka okay.”

Sinalat ng dalaga ang noo at leeg ng binata.

“Teka, ano bang ginagawa mo?”

“Diba may lagnat ka, masama ang pakiramdam mo, ayan o mainit ka pa!”

“Wala na, mabuti-buti na ang pakiramdam ko, kumain kasi ako ng super spaghetti ng nanay mo, yung may sardinas.”

“Ano?”

“Masarap pala.”

“Alam mo ba na dinalaw din kita sa inyo at binilhan pa kita ng prutas tapos daratnan kita dito na mukhang nag-eenjoy ka pa?”

“Diba ‘yan naman ang gusto mo, ang mag-enjoy ako?”

“Oo nga sir, pero wag mo namang i-spoiled ang mga kapatid ko baka masanay ang mga ‘yan.”

“Emilia, ano bang inaalala mo?”
Hindi makasagot ang dalaga. Naalal

 nito si Don Roberto.

“Nag-aalala na sa’yo ang lolo mo, hindi ka namin makontak kanina pati si manong.”

“Ah yun ba, nawala kasi sa isip ko na i-charge ang cellphone ko, si manong naman walang dalang cellphone.”

“Sige na Sir Lito, umuwi ka na, tatawagan ko na lang si Don Roberto.”

“Exactly, call him and tell him that I’m okay. Kasi maya-maya pa’ko uuwi, tatapusin ko lang yung palabas.” Pagkasabi no’n ay bumalik na si Lito sa umpukan ng pamilya ni Emilia. (Itutuloy)