Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 465

Ika-18 na labas

Samantala.
“O anak ang sabi ni Lito magpagaling ka raw agad.”

Napangiti si Emilia.
“Asus, magpagaling kahit walang sakit, kinilig ka ‘no?” Tukso pa ni Aling Milagrosa sa anak na nagtitimpla ng kape.

“Si Nanay talaga… ‘di bale, isang araw lang naman po akong magpapahinga baka pumasok na rin ako bukas.”
Nang muli ay mag-ring ang cellphone ni Emilia.

“Anak, tumatawag ‘yung Olivia.”
“S-sige po ako na ang sasagot.”
Kinuha ni Emilia ang cellphone sa ina at kinausap ang kaibigan.

“Girl, pareho pa kayong absent ni Sir Lito, sino ang pipirma sa mga kailangan niyang pirmahan ngayon?”
“Absent siya?”

“You heard it right. Ano magmumukmok ka na lang ba? Gusto kong marinig ang kuwento mo!” ani Olivia na hinaluan ng biro.
“Teka, bakit absent si Sir Lito?”

“Tumawag siya kanina, masama ang pakiramdam , sabi niya ikaw na raw muna ang bahala, hindi pa niya siguro alam na a-absent ka rin nu’ng tumawag siya sa’kin, maaga pa kasi ‘yon. Tinatawagan ko nga ulit siya pero hindi ko na makontak.”

“Ahm, Olivia call back na lang kita ha, susubukan ko munang kontakin si Sir Lito.”
“Wow concern ha, okay sige, wait ko ang call mo ha.”
“Okay, bye…”

Tumingin si Emilia sa ina.
“O ano raw?”
“Absent din pala si Sir Lito ‘nay, masama na kasi ang pakiramdam no’n kahapon pa, pero pinipilit pa rin ang sarili na magtrabaho, ayan tuloy natuluyan siyang magkasakit.”

“Ano ngayon ang gagawin mo, dadalawin mo?”
Hindi sinagot ni Emilia ang ina.
Umiinom ng tsaa si Don Roberto sa living room nang makita niyang paalis si Lito.

“Lito saan ka pupunta?”
“Pupuntahan ko lang po si Emilia, ‘lo.”
“Ha? E ‘di ba may sakit ka, saka bakit mo siya pupuntahan may nangyari ba?”

Huminto sa paglakad si Lito.
“Hindi siya pumasok ngayon… baka po dinamdam niya ang mga nasabi ni Lolo Julio sa kanya…”
“Si Julio?”

“Bumisita po siya kahapon sa company at nagkita sila ni Emilia, nabanggit niya dito ang nangyari sa kasal namin at kinuwestiyon niya ang pagtatrabaho sa akin ni Emilia. Ginawa niya ‘yon sa harap ng iba pang empleyado natin.”

Natigilan si Don Roberto.
“Pero bakit niya ‘yon ginawa?”

Related Posts

“I don’t know Lolo, hindi ko alam kung anong pumasok sa isip niya, when we talked sinabihan pa niya si Emilia na gold digger, by the way may business proposal daw siya sa inyo.”

Iyon lang at lumabas na si Lito.
“Lito, sandali lang!”
Hindi na napigilan ni Don Roberto ang apo. Sumakay na ito sa kotse kasama ang isang bodyguard.

“Emilia, saan ka pupunta?” tanong ni Aling Milagrosa sa anak nang makita itong nakabihis.
“Pupuntahan ko po si Sir Lito ‘nay.”
“Ha? Sigurado ka ba?”.

“Oo naman po, pero dadaan muna ako sa palengke, bibilhan ko siya ng prutas.”
Napabuntong hininga si Aling Milagrosa.
“Aba anak, mukhang espesyal na espesyal na siya sa’yo ah!”

“Ayan ka na naman ‘nay eh…”
“O sige puntahan mo na, baka nga hinihintay na niya ang dalaw mo, ingat ka na lang sa biyahe.”

“Opo.” Nangingiting sagot ng dalaga.
Ilang minuto pa lang ang nakakaraan nang makaalis si Emilia ay siyang parada naman ng sasakyan ni Lito sa kanto nila.
“Manong, hintayin mo na lang ako dito.”

“Sige po sir.”
Naglakad ang binata patungo sa bahay.
Nagulat pa si Aling Milagrosa nang makita si Lito.
“Lito!”

“Good morning po, ba’t parang gulat na gulat po kayo?”
“H-ha? E kasi si Emilia pinuntahan ka, ‘di ba may sakit ka?”
Nagulat rin si Lito sa narinig.

“Pinuntahan niya po ako?”
“Oo, e kasi medyo nag-aalala siya sa’yo, sabi nga dadaan siya ng palengke para mabilhan ka ng prutas.”
Deep inside ay ikinatuwa ng binata ang narinig.
“Gano’n po ba?”

“Pero nandito ka na rin lang, halika muna pumasok ka at nang makapahinga ka nang konti.”
Nagulat rin si Emilia nang malaman mula kay Don Roberto na pinuntahan siya ni Lito.

“Nag-aalala siya sa’yo dahil daw doon sa nangyari, halika, tumuloy ka muna at nang makapahinga ka at makapag-usap rin tayo.”
“S-sige po.”

Lihim na natuwa si Emilia sa pagpunta sa kanya ni Lito, kahit nagkasalisi sila at least ay nalaman niya ang pag-aalala nito.
“Maupo ka, Emilia.”
“Salamat po.”

Inilapag ni Emilia sa center table ang biniling prutas. Apple and ponkan at isang kilong grapes.
“Para kay Lito ‘yan ano?”

“Opo, para gumaan agad ang pakiramdam n’ya, pero p’wede rin po kayong kumuha.”
“Salamat, iha.”
Saglit na katahimikan.

“Nalaman ko ang nangyari… Kung anuman ang nasabi sa’yo ng pinsan kong si Julio, ako na ang humihingi ng pasensya. Sadyang diretso lang magsalita ang taong ‘yon kung minsan at dahil sanay siya na nasa itaas kaya wala siyang pakialam sa mga nasa ibaba, nakukuha mo ba ang ibig kong sabihin?”

“O-opo…”
“Kumusta naman kayo ng apo ko?”
“Mabuti naman po. Mukhang malapit ko na pong makabisado ang ugali niya.”

“Mabuti kung gano’n. Sa nakita kong pag-aalala sa’yo ni Lito, nararamdaman ko na hindi magtatagal at makukuha mo na ang loob niya.”
Ngiti ang itinugon ni Emilia. (Itutuloy)