Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 465

Ika-17 na labas

Makahulugan namang nagkatinginan sina Elmo at Olivia.

Hindi muna sumakay si Emilia. Naglakad siya nang naglakad. Ngayong alam na ng lahat na siya ang babaeng tinakbuhan ni Lito sa altar, ang babaeng binayaran ni Don Roberto, ano pa ang mukhang maihaharap niya sa mga ito? Pakiramdam niya ay isa siyang pusang nasukol ng mabangis na aso at hindi niya ngayon alam kung paano tatakasan ang sitwasyon.

Hindi niya namalayan ang pag-agos ng luha sa mga mata.

Samantala. Sinadya ni Don Julio si Lito sa opisina nito.

“Lolo Julio!”

“Over time?”

“Yes po. Napadalaw kayo?”

“May business proposal kasi ako sa lolo mo.”

“Ganon po ba? Pero madalang na po kasing pumasok si lolo, sa house na siya nag-ooffice.”

“Oh really, by the way, I saw that girl.”

“Who’s girl?”

“Emilia, and she said that she’s working here as your assistant?”

“Yes po.”

Napailing si Don Julio.

“What for Lito? I think she’s just a gold digger na hindi titigil hangga’t hindi niya nakukuha ang gusto niya. Kaya mag-ingat ka sa kanya!”

Hindi makaimik si Lito. Gusto man niyang ipagtanggol si Emilia ay pinili na lang niya ang manahimik dahil baka malaman pa ni Don Julio na binayaran lang ito ng kanyang lolo.

“I wonder kung ano ang nagustuhan mo sa babaeng ‘yon and also kung bakit mo siya iniwan sa altar. My cousin Roberto don’t want to talk about this, baka ikaw gusto mong sabihin sa akin ang dahilan?”

“Lo, ‘wag na lang po, sa’min na lang po yun ni Emilia.”

“Okay fine. Pero mag-ingat ka sa mga ganyang klase ng babae. As far as I know ay wala ka pang naging girlfriend kaya be wise iho. “

Hindi na sumagot pa ang binata.

Sa kabila ng pag-iingat ni Emilia na malaman ng mga magulang ang nangyari ay hindi pa rin niya ito naikubli. Habang naghuhugas siya ng pinagkainan ay nilapitan siya ng ina.

“Ba’t mugto ang mata mo, umiyak ka?”

Magkakaila sana si Emilia pero hindi niya magawang magsinungaling sa ina.

“Konti lang po ‘nay.”

“Talaga? Nakakapagmugto na pala ng mga mata yung konting iyak ngayon, ano ‘yan ambon lang?”

Natawa si Emilia.

“Parang gano’n na nga ‘nay, kumbaga sa ulan, ambon lang naman.”
“Sa anong dahilan naman?”

“Si Don Julio po kasi, dumalaw sa company…”

“Sino, yung pinsan ba ni Don Roberto na kung makatingin sa’tin nung kasal mo e parang nanunuri?”

Related Posts

“Iyon nga po…”

“O, ano naman ngayon kung dumalaw siya do’n?”

“Kinumusta po niya ko…nabanggit niya yung tungkol sa pag-iwan sa akin ni Lito sa altar…parang kinuwestyon po niya kung bakit ako nagtatrabaho pa doon para kay Lito…pakiramdam ko po tingin niya sa’kin gold digger…”

Saglit na natahimik si Aling Milagrosa. Pagkuwa’y …

“Ginawa ba niya yan sa harap ng maraming tao?”

Tumango ang dalaga.

Nalukot ang mukha ni Aling Milagrosa.

“Nay, hayaan na lang po natin, nangyari na po eh…”

“Hayaan? Kailangang malaman ni Don Roberto kung paano ka hiniya ng matandang pinsan niyang ‘yon!”

“Nay naman, eeksena pa ba kayo? Keri ko to.”

“Anong balak mo?”

“Pag-iisipan ko muna po kung babalik pa ako sa trabaho o hindi na…”

“Sige anak, kung anong magiging pasya mo, susuportahan ka namin ng tatay mo at mga kapatid mo.”

Tumango-tango ang dalaga. Kahit paano ay nakaluwag sa dibdib niya ang naging pag-uusap nila ng ina.

Pag-uwi ni Lito ng bahay ay ibinagsak niya ang katawan niya sa kama. Bukod sa masamang pakiramdam ay nakakabigat din sa isipin niya ang pag-aalala kay Emilia. Nalaman kasi niya mula kay Olivia ang nangyari sa lobby.

Hindi siya mapalagay. Nag-attempt siyang kontakin ang cellphone ni Emilia para makausap ito pero nagbago ang isip niya.

“Bukas ko na lang siya kakausapin pagpasok niya…”

Subalit buong magdamag na hindi umayos ang pakiramdam ni Lito. Pinatawag na ng lolo niya ang doctor nila para matingnan siya.

“Don Roberto he will be okay, na over fatigue ang apo nyo kaya I suggest na makapagpahinga muna siya ng ilang araw to recover his good health.”

“Ito kasing apo ko Doc, hindi ko maintindihan kung bakit masyadong isinisubsob ang sarili sa trabaho!” sabay tingin ng don sa apo na namamahinga na sa kama nito.

“Hindi mabuti ‘yon sa kalusugan ng tao, kaya kumbinsihin nyo siya na mag-unwind paminsan-minsan para marelax ang katawan at isipan niya.”
“I’ll do it doc.”

“At ikaw rin Don Roberto, bakit hindi kayo magbakasyon na maglolo sa magagandang lugar sa ibang bansa?”

Natawa ang matanda.

“Ano ka ba naman doc, alam mo naman na itong sakit ko sa puso e dumadalas na rin ang pagdalaw sa’kin kaya ayoko ng bumiyahe nang bumiyahe.”

“Kailangan din ng puso nyo ang exercise!” natatawang sabi ng kaibigan nilang doctor.

Hindi na rin ito nagtagal at nagpaalam na sa matanda.

Kinabukasan. Gustuhin man ni Lito na pumasok ay hirap siyang bumangon. Mabigat na mabigat pa rin ang kanyang pakiramdam.

Tinawagan niya si Emilia pero si Aling Milagrosa ang sumagot sa cellphone nito.

“Naku Lito, pasensya ka na ha, pero hindi makakapasok ngayon si Emilia…masama ang pakiramdam niya eh…”

“Ganon po ba? Sige po…pakisabi na lang na magpagaling siya agad.”

Nang maibaba na ang cellphone ay napahugot ng malalim na hininga si Lito. Masama nga rin kaya ang pakiramdam ni Emilia o dahil lang sa nangyari kahapon? (Itutuloy)