Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 436

Ika-15 na labas

“‘Wag na, maliligo na lang ako , kaya ko ‘to!”

“E, Mang Caloy sumama na ho kayo sa’min, mamaya niyo na lang ho gawin ‘yan pagtila ng ulan.”

“Sige pero kailangan kong bantayan itong kotse mo, kaya mauna na kayo sa loob, ‘wag nyo na akong alalahanin.”

Sumunod naman ang dalawa.

“Hayaan na natin si tatay, alam niya ang ginagawa niya,” ani Emilia habang papasok sila ng bahay.

Nakangiting bumungad sa kanila si Aling Milagrosa.

“O, pasok kayo, tuloy tuloy!”

Pinaupo nila ang bisita sa may katandaan na ring sofa.

“Sir, anong gusto mo kape, softdrinks?” alok ng matanda.

“No thanks po. Saka Lito na lang po ang itawag nyo sa’kin.”

“O sige, Lito, pero talaga bang wala kang gusto?”

Umiling ang binata.

“So pa’no, maiwan ko muna kayo diyan, Emilia ikaw na ang bahala sa bisita mo.”
“Opo nay.”

Nang maiwan silang dalawa ay tila nakaramdam ng pagkailang si Lito.
“Sir, okay ka lang ba, nabasa ka ba?”

“Hindi naman, ambon lang naman ‘yon eh.”

“Pasensya ka na ha, dahil sa paghatid mo sa’kin nasiraan ka pa.”

“Okay lang.”

“Nga pala sir, ‘di ba nakabuntot sa’tin ‘yung bodyguard mo, ‘yung gray na car ‘yon ba ‘yon? asan na?”

“Tinext ko kanina, pinapunta ko sa grocery may pinabili ako.”

“Ah okay, kaya pala nawala.”

Palihim na lumibot ang paningin ni Lito sa kabuuan ng bahay. Napukaw ang pansin niya sa frame ni Emilia nu’ng high school graduation, marami kasing medalya ang nakasabit dito.

“Emilia, honor student ka pala?”

“Ah, oo sir…”

“Bakit hindi ka nagpatuloy sa pag-aaral pwede ka naman palang scholar?”

Bumuntong hininga muna ang dalaga bago sinagot ang tanong ng binata.

“Kasi pagka-graduate ko no’n nagkasakit ng malubha si tatay… mas pinili ko ang magtrabaho para makatulong. Gusto ko nga rin sanang mag-working student pero hindi ako pinayagan ni nanay, kasi naranasan na raw niya at ayaw niyang maranasan ko rin ‘yung pagod at hirap, pero nangako naman sila ni tatay na kapag nakaipon pababalikin nila ako sa pag-aaral.”

“Ang perang ibinigay ni lolo, hindi ba sapat para makapag-college ka?”

“Sobra-sobra na siguro, pero ako na lang ang may ayaw sa ngayon.”

“Ha? Bakit?”

“Kasi nag-aaral pa lahat ang mga kapatid ko eh, sila na muna ang priority ko.”

“Paano ka? Saka hindi mo ba naisip na mas matutulungan mo sila kung makakatapos ka?”
“Naisip ko rin naman, pero mas gusto kong ibigay sa kanila ‘yung oportunidad…”

Related Posts

Naputol ang pag-uusap nila nang pumasok si Mang Caloy.

“Lito, palyado na pala ang baterya mo, saka may kailangan kang bilhin, tara ipapakita ko sa’yo.”

Sumunod naman si Lito kay Mang Caloy sa labas. Sinulyapan pa ni Lito si Emilia bago tulu­yang lumabas ng pintuan. Tinugunan naman iyon ng dalaga ng isang matamis na ngiti.

Pagkalabas ni Lito ay saka naglabasan din sa kanya-kanyang pinagkukublihan ang mga kapatid ni Emilia.

“Uy ate, masyadong maasukal ang ngiting ‘yon ah!” biro ni Bob.

“Oo nga ate, ‘yung ngiti ‘pag nakikita si crush!” segunda naman ni Yasmin.

Nameywang si Emilia sa mga kapatid.

“Heh! Magsitigil nga kayo diyan, ang babata n’yo pa ang dami n’yo ng alam ng klase ng ngiti!”

Habang tumatagal, pakiramdam ni Emilia ay napapalapit na ang loob niya kay Lito. Nakatuon lagi ang concern niya dito lalo na kapag nasa trabaho.

“Sir, uwian na ba’t ‘di ka pa nag-aayos ng gamit mo?”

“I have to extend my time, may tinatapos lang ako.”

“Pero sir…”

“Emilia, just go.”

“Pwede po bang mag-over time rin ako?”

Napatingin sa kanya si Lito.

“Bakit?” nagtatakang tanong ng binata.

“Ahm, wala naman po, para lang masamahan ko kayo.”

Napailing si Lito.“Hindi ko kailangan ang kasama, mas makaka-focus ako sa trabaho kapag nag-iisa ko.”

“Ouch naman sir, sige na nga uuwi na po ako.”

Lumabas na ng opisina si Emilia. Paglabas niya ay napangiti si Lito. Deep inside ay ikinatutuwa rin niya ang pag-aalala sa kanya ng dalaga.

Gabi na nang makauwi si Lito ng bahay. Naabutan pa niya ang lolo niya sa salas na nagbabasa ng magazine. Lumapit siya rito at nagmano.

“Lo, gabi na po ‘yang pagbabasa n’yo.”

“Nagpapaantok lang iho. Balita ko nagpunta ka sa bahay nina Emilia kahapon?”

“Inihatid ko lang po siya, tapos nasiraan ako ng sasakyan, buti na nga lang po at marunong pa lang gumawa ‘yung tatay niya.”

“Aba, magandang senyales ‘yan iho!” natutuwang sabi ni Don Roberto.

“Na nasiraan ako ng sasakyan?”

“Na nagkaroon ka ng bonding time kay Emilia at sa pamilya niya, nang sa gayon ay mas mapalapit kayo sa isa’t isa.”

Naupo si Lito sa tabi ni Don Roberto.

“Lo, iniisip mo pa rin po ba ang kasal?”

“Ang iniisip ko ay ‘yung magkaroon ka ng bagong mga kaibigan. Saka wala namang masama kung umasa pa rin ako na isang araw ay magiging totohanan na ang kasal n’yo ni Emilia.”

Sa halip na sumagot ay tumayo si Lito at nagpaalam na sa matanda.

“Matulog na ho kayo lo, masama po sa inyo ang nagpupuyat.”

Alam niya na kaya kinuha ng lolo niya si Emilia para maging assistant niya ay para lang mapalapit ito sa kanya. Pero hindi niya sinasang-ayunan ang ideyang ‘yon. Ayaw niyang ipilit ang isang bagay na hindi para sa kanya at mas lalong ayaw niyang ipilit ang sarili niya sa isang babae na napipilitan lang din maging malapit sa kanya sa ngalan ng pera. (Itutuloy)