Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 465

Ika-12 na labas

“Ah sir sorry po late ako, kasi super traffic po tapos sinabayan pa ng malakas na ulan, tapos yung…”

Naputol ang sasabihin pa ng dalaga nang sawayin siya ni Lito.

“Sssshhhh.”

“Sir?”

“Akala ko ba hindi mo na ako iistorbohin sa trabaho ko? See, I’m working right now?”

Natahimik si Emilia. Dahan-da­han naupo sa table niya at nagsimula na ring magtrabaho.

“Emilia.”

“Sir?”

“Pakidala mo ito sa office ni Ma’am Lorie.”

“Sige po.”

Sumilip lang sa labas ng pintuan si Emilia at may tinawag. Lumapit naman ang tinawag na si Elmo.

“Pakibigay mo it okay Ma’am Lorie, salamat.”

“No prob.”

Napakunot noo si Lito.
“Emilia?”
“Yes sir?”

“Ikaw ang inutusan ko, bakit ipinasa mo sa iba?”

“E sir kasi baka pagsarhan mo na naman ako pinto, baka i-lock mo na naman tapos maghapon na naman akong tatambay sa lobby kakwentuhan si Olivia.”

Naiiling na ipinagpatuloy na lang ni Lito ang ginagawa. Muling itinuon ang atensyon sa laptop.

Pasulyap-sulyap lang ang dalaga sa kanya habang nagtatrabaho rin.

Maya-maya ay tumayo si Lito.

“Sir saan ka pupunta?”

“Ako na ang magdadala nito sa HR.”

“Ha? E sir sige ako na po, okay lang po na i-lock nyo na’tong pinto masarap naman pong kakuwentuhan si Olivia eh! Friends na nga kami!”

Hindi pinansin ni Lito ang sinabi ng dalaga at sa halip ay dumiretso ito palabas ng opisina dala ang mga files.

“Wow ha, akala mo gwapo ka?”

Inis na isinara ni Emilia ang pinto pero napalakas yata ang pagsara niya kaya muli niya sana itong bubuksan pero…

“Omg, nasira ko yata!”

Related Posts

Hindi niya ito mabuksan.

“Nakupo, pa’no ‘yan?”

Ilang ulit niyang sinubukan pero nabigo siya.

“Hello, may tao ba diyan sa labas?”
Walang tugon.

Naisipan ng dalaga na tawagan ang cellphone ni Lito, subalit dinig na dinig niya ang pagriring dahil nasa ibabaw lang pala ng table nito.

“Naku naman, ba’t ngayon mo pa naiwan?”

Hindi pa naman niya nakukuha ang cp number ng mga bago niyang kaibigan na sina Olivia at Elmo.

“Superman, Batman, Spiderman, Wonderwoman, Darna, asan na ba kayo? I need help!”
Samantala. Pagkagaling sa HR ay naisipan ni Lito na dumaan sa canteen at magpagawa ng isang special coffee at isang special tea. Naisip niya na kahit papa’no ay matutuwa si Emilia.

Pagbalik niya sa office ay nagtaka siya kung bakit hindi niya ito mabuksan.

“Emilia? Is this a joke?” naisip ni Lito dahil parang ginantihan siya nito sa pagla-lock niya ng pinto.

Pero hindi nagbibiro o gumaganti ang dalaga.

“Sir, buti dumating ka na! Nakulong po ako sir, hindi ko mabuksan ang pinto!” sigaw ni Emilia mula sa loob.

Napailing si Lito.

“Okay, I’ll be back for a minute.”

“Sir, wag mo akong iwan sir!” habol na sigaw ni Emilia.

Pagbalik ni Lito ay kasama na nito si Elmo na isang technician at repairman ng kumpanya.
“Sir madali lang ‘to.”

Ilang saglit nga lang kinalikot ni Elmo ang seradura ng pinto at agad din itong nagbukas. Bumungad sa kanila ang nakatulalang si Emilia.

Lumapit si Lito na dala pa ang dalawang cup ng special coffee at tea.

“Emilia. Are you okay?”

“Y-yes sir…” mahinang sagot ng dalaga.

Iniabot ni Lito ang isang cup ng kape kay Emilia.

“K-kape talaga sir? Pampadagdag ng nerbyos?”
“Ayaw mo ba?”

“Gusto ko po!” maagap na sagot ng dalaga.

Sumingit si Elmo sa dalawa.

“Sir, alis na po ako, patawag nyo na lang ulit ako kapag may iba pang nasira diyan.” Makahulugang sabi ni Elmo na nagingiti pa kay Emilia bago tuluyang lumabas sa pintuan.

Inilapag ni Lito ang cup of tea niya sa table at tinaggal ang salamin sa mata saka pinunasan iyon ng malinis na cloth na may lalagyan sa ibabaw rin ng table nito.

Habang wala ang salamin sa mata ay saglit itong napagmasdan ni Emilia at sa loob-loob niya ay gwapo naman pala ito kapag walang salamin.

“I mean, mas gwapo…” naisa­tinig niya nang hindi sinasadya.

“Ano kamo?” tanong ni Lito na napalingon sa kanya. (Itutuloy)