Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 436

Ika-11 na labas

Habang nire-review ang mga files na ginawa ay panay sulyap niya nang palihim sa binata.

Abante Hiring – IT dep

Sa isip niya ay mapapaamo rin niya ito. Konting tiyaga lang.

Gaano man i-focus ni Lito ang sarili sa trabaho ay hindi pa rin ito mapalagay dahil sa presensya ng dalaga. Lalo pa at paminsan-minsan ay nahuhuli niya itong nakatingin sa kanya. Hindi siya sanay na may ibang tao sa office niya. Mas gusto niya ang nag-iisa.

“Emilia.”

“Sir?” agad na lumapit ang dalaga.

“Pakidala mo nga itong mga files sa HR.”

“Sige po sir!”

Paglabas ng dalaga sa office ay agad tumayo si Lito at ini-lock ang pinto.

Kaya pagbalik ng dalaga ay nagtaka ito kung bakit hindi siya makapasok.

“Sir? Sir Lito?”

Napahawak sa noo si Emilia.

“Hay naisahan niya ako!”

Isang text ang natanggap niya mula rito.

“Doon ka na muna sa lobby or sa waiting area, I just want to be alone for an hour.”

Napabuntong hininga si Emilia.

“Haist, grabe siya, anong gagawin niya sa loob ng isang oras? Bakit kailangan pa niyang i-lock ang pinto?”

Walang nagawa si Emilia kundi ang bumaba sa waiting area at doon magpalipas ng oras.

Para hindi siya maboring ay kinausap niya nang kinausap ang receptionist na nasa information at doon niya nalaman kung gaano kailap si Lito sa lahat.

“At alam mo ba, dati kumakain ‘yang si Sir Lito sa canteen mag-isa, pero siguro napansin niya na palagi siyang pinagbubulungan ng mga empleyado kaya ayun doon na lang siya nagbe-break sa office niya.” Tsika ng receptionist na si Olivia.

“Ganon ba?”

“Yup, ganon na ganon!”

“Ah…”

“At eto pa, ang pinakamaingay na naging bulung-bulungan dito ay ‘yung sikretong pagpapakasal ni Sir Lito sa isang stranger na girl na ang sabi e binayaran lang ni Don Roberto para pakasalan ang apo niya!” ganadong kwento ng babae.

Nabigla si Emilia. Buti na lang at walang nakakakilala sa kanya doon.

“‘Yun nga lang, hindi yata nasikmura ni Sir Lito ‘yung girl kaya nag-run away siya!” natatawa pang kwento ni Olivia.

“Ganon ba…”

“Grabe no, nakakatawa kaya ang ganon! Akala ko nga hindi na babalik sa trabaho ‘yang si sir eh!”

Dahil sa nalaman ay nakaramdam ng awa si Emilia kay Lito. Hindi pala porket apo ng may-ari ng kumpanya o anak mayaman ay magiging apple of the eye na ng mga tao na mas mababa sa kanya. Depende rin pala talaga sa tao kung paano ka titingnan at tatratuhin ng kapwa mo.

“O Ems, bakit nalungkot ka?” tanong ni Olivia.

“Wala naman…naisip ko lang, hindi rin pala masaya ang maging anak mayaman…”

“Hindi rin, kaya lang naman mukhang hindi masaya si Sir Lito kasi ayaw niya, ayaw niyang maging masaya, choice niya ‘yun eh.Pero kung ako ang nasa katayuan niya, siguro ang dami-dami ko nang mga friendships tapos nagpapakasaya ako sa buhay ko at hindi ko paiikutin ang life ko sa apat na sulok ng opisina ko, puro work lang, ang boring kaya non!”

Hindi na kumibo si Emilia. Sa isip niya. Tutulungan niya si Lito na makalabas sa lungga niya. Ipapakita niya rito ang ganda ng mundo at ang saya ng pakikihalubilo sa ibang tao.

Sa paglipas ng oras ay hindi namalayan ni Emilia na uwian na pala. Sa wakas ay nakapasok ulit siya sa office ni Lito.

“Sir, ba’t naman pinatay nyo yung working hours ko?”

Related Posts

“Anong pinatay?”

“Pinalabas n’yo po ako dito sa office at hina­yaan n’yo lang na tumambay ako sa lobby instead na magtrabaho ako dito sa loob.”

“Sorry for that.”

“Okay lang po, sir, pero sana next time hayaan n’yo na lang ako dito sa loob, promise isi-zipper ko na ang bibig ko buong maghapon para ‘di kita maistorbo sa work mo.”

Tiningnan ni Lito si Emilia.

“Aasahan ko ‘yan, Emilia.”

“Yes sir!” nakangiting tugon ng dalaga.

Naghanda na si Emilia sa pag-uwi.

“Emilia, gusto mo bang ipahatid na kita?”

“Ay no need, sir, nakapunta akong mag-isa rito, kaya ko rin pong umuwi mag-isa, thanks na lang po sa offer n’yo.”

“Next time just say yes or no,” pagkasabi niyon ay nauna nang lumabas ng opisina si Lito.
Napakunot noo naman ang dalaga.

“Ba’t ganon ‘yon parang biglang naging masungit, nu’ng hindi pa niya ko assistant okay naman siyang makipag-usap sa’kin ah?”

Kahit wala naming ginawa sa trabaho maghapon, pakiramdam ni Emilia ay pagod na pagod siya. Matapos kumain ay humiga agad siya.

“Anak, masama ang humiga agad pagkakain,” puna ni Aling Milagrosa.

“Oo nga po pala.” Bumangon ang dalaga at sumandal na lang muna.

“Mukhang pagod na pagod ka ah, kumusta ­naman ang trabaho?”

Napangiti si Emilia sa tanong ng ina.

“Trabaho? Tumambay lang po ako do’n ‘nay.”

“Tumambay?”

“Hay naku, inaantok na talaga ko, ‘nay, kaya bukas ko na lang ikukuwento sa inyo ang nangyari, pero wala naman po kayong dapat ipag-alala.”

“Okay sige, sabi mo eh.”

Lumabas na ng silid nila ang ina.

Kinabukasan. Habang inaayos ni Emilia ang sarili sa harap ng salamin ay nilapitan siya ni Aling Milagrosa.

“Anak, base don sa kinuwento mo sa’kin kanina habang nag-aalmusal tayo, sure ka ba okay ka lang?”

“Nay, sabi ko naman po sa inyo wala kayong dapat ipag-alala sa’kin eh, kering-keri ko ‘yan si Lito. Excited pa nga ako e, kasi feeling ko natsa-challenge ako.”

“Talaga ba?”

“Opo,” natatawang sagot ni Emilia sa nag-aalalang ina.

“O sige, i-text mo ako sa mga kaganapan don, ha.”

Napakunot noo si Emilia.

“May cellphone ka na, ‘nay?”

“Wala.”

“E san kita ite-text?”

“Oo nga pala, nasira na ‘yung cellphone na pinagamit mo sa’kin dati,” natatawang sabi ni Aling Milagrosa.

“Asus, si nanay nagpaparinig ka lang eh, oo na po, ibibili ko kayo ni tatay ng bagong cellphone para nagkakateksan po tayo at hindi na kayo nag-aalala sa’kin saka para nagkakateksan din kayo ni tatay kapag nasa bukid siya!” ani Emilia na may kasamang biro.

Isang sulyap pa sa salamin at nagpaalam na si Emilia sa ina.

Sobrang nag-alala si Emilia nang late na siyang dumating sa opisina ni Lito. Kumatok siya at agad naman siyang pinatuloy nito. (Itutuloy)