Una sa Balita

My Runaway Groom

By
0 467

Ika-10 na labas

“Nay naman eh, iba naman ho ‘yon, saka mga kung sinu-sino lang ang mga ‘yon.”

“O, e di pa’no, dalawa lang naman ang pagpipilian mo eh, ang sumuko o lumaban?”

“Yan lang naman ho talaga ang palagi nating option sa buhay e, suko o laban, pero alam nyo naman po ‘nay na hindi natin pinipili ang pagsuko diba?”

“So, lalaban ka?”

“Lalaban tayo ‘nay, para sa pamilya natin at para sa kabutihang loob ni Don Roberto!”

“At ‘yang Lito na ‘yan, naku wala siyang magiging choice kundi ang sumuko!” natatawang biro ng matanda.

Tulad ng ipinangako ni Don Roberto ay agad niyang tinubos sa banko ang lupa’t bahay ng mga Tolentino. Ibinigay na rin niya ang perang ipinangako niya kay Emilia.

Sa bago niyang opisina na nasa loob ng mansion.

“E Don Roberto, saka ko na lang ho kaya kukunin itong pera kapag may nangyari na ho sa kasunduan natin?” sabay urong ng dalaga sa check papalapit sa matanda.

“No Emilia, you can take it now.”

“Pero yun pong maibalik sa’min ang titulo ng bahay at pati na rin ang lupa e sobra sobra na po…”

“Pero kasama sa pinagkasunduan natin ang halagang ito.” Sabay urong muli ng don sa tseke palapit naman sa dalaga.

“E s-sige po…mangangako na lang po ako na gagawin ko po ang lahat para makuha ko ang loob ni Lito…”

“Iyan naman talaga ang inaasahan ko mula sa’yo at umaasa ako na hindi ako mabibigo.”

Isang tango at pagngiti ang naging tugon ng dalaga. Sa isip-isip nito’y kailangan niyang makaisip ng strategy kung paano mapapalambot ang puso ni Lito para sa kanya. Hindi niya maa­ring biguin si Don Roberto.

Paalis na sana sa opisina ni Don Roberto si Emilia nang bigla itong mapabalik.
“Don Roberto may naisip lang ho ako…”

“Ano ‘yon hija?”

“E kung kunin nyo po akong empleyado sa pinapasukan ni Lito, para mapalapit po ako sa kanya? I mean kahit wala pong sahod, willing po akong pumasok araw-araw!”

“Maganda ‘yang idea mo, pero sigurado ka ba kahit walang sahod?” paniniyak ng matanda.
“Opo! Sa laki po ng ibinigay nyo sa’kin parang sobra-sobra pa po ito sa sahod na deserve ko at kahit anong trabaho po basta mapalapit lang ako sa kanya.”

“Sige, sige, pag-iisipan ko kung anong trabaho ang maibibigay ko sa’yo iha.”

Nabuhayan ng loob si Emilia. Mas magi­ging madali kasi sa kanya kung araw-araw silang magkikita ng binata.

Hindi naman iyon sinang-ayunan ng mga magulang. Iyon ang topic nila habang kumakain ng hapunan.

Una nang tumutol ang ama.

“Anak, ‘wag mo namang abusuhin ang sarili mo baka mapasubo ka diyan.” Ani Mang Caloy.

“Tama ang tatay mo anak, mahirap mapasubo lalo na kapag nasangkot ang puso mo, baka hindi mo mamalayan nahuhulog ka na pala sa lalaking ‘yon tapos masasaktan ka lang.”
Saglit na napaisip si Emilia.

Related Posts

“P-pero nay kasi kailangan…kailangan kong gawin. Pero ‘wag po kayong mag-alala, anuman po ang kahinatnan nito ihahanda ko na po ang sarili ko. Naiintindihan nyo naman po ako diba?”

Nagkatinginan ang mag-asawa bago sumagot.

“Oo naman anak, intinding-intindi ka na­ming…nahihiya nga kami sa’yo kasi…”

Pinutol ni Emilia ang sasabihin pa ng ina.

“Nay, wag nga kayo nagpapapanood ng mga telenobela, kasi nagiging ma-drama na kayo.” Natatawang biro ng dalaga.

“Oo nga po ‘nay, hindi bagay sa inyo!” hirit ni Yasmin.

Natapos sa tawanan ang usapang iyon.

Sa company na pag-aari ng lolo niya ay kaka-promote lang ni Lito bilang supervisor sa departamentong hinahawakan nito. Kahit kasi ang lolo niya ang may-ari ng kumpanya ay gusto nito na magsimula siya sa ibaba hanggang sa matutunan niya ang lahat ng pasikot-sikot sa trabaho nila. Hindi naman niya iyon tinutulan. Ang company nila ay gumagawa ng mga spare parts ng sasakyan.

Pagka-graduate pa lang ni Lito sa kursong mechanical engineering ay naging parte na agad siya ng kumpanya. Subalit sa tinagal-tagal niya rito ay walang sinuman ang naging malapit sa kanya o matatawag man lang na kaibigan. Mailap siya sa lahat at naka-focus lagi sa trabaho. Sa edad niyang 26 ay hindi pa rin niya naranasan ang magkaroon ng girlfriend. Kaya naman laman siya lagi ng usapan ng mga kasamahan.

Nagulat si Lito nang sa pagpasok niya sa sariling office ay madatnan niya roon si Emilia.
“Emilia! Anong ginagawa mo dito?”

“Good morning Sir Lito! Ahm… ano kasi mula po sa araw na’to, ako na ang bago mong assistant!” nakangiting bungad ng dalaga.
Napakunot noo naman si Lito.

“Assistant? H-Hindi ko kailangan ang assistant.”

Mula sa likuran ay sumulpot si Don Roberto.

“Hijo, pinakiusapan ko si Emilia na kung pwede siyang magtrabaho sa’yo bilang assistant, visor ka na remember? Work overload ka na mula ngayon kaya nakakasiguro akong kakailanganin mo ng assistant.”

“P-pero lo…”

Tinapik ni Don Roberto si Lito sa balikat.

“Don’t worry iho, sa oras na pumalpak si Emilia bilang assistant mo, ako mismo ang sisibak sa kanya.” Nakangiti pang sabi ng matanda.

Napatango na lang si Lito. Hindi pa naman talaga siya nanalo sa lolo niya. Mapasa trabaho man o personal niyang buhay.

Sa unang araw ng pagtatrabaho ni Emilia ay sinikap niyang mapalagay ang loob ni Lito sa kanya.

“Sir, gusto mo ng coffee?”

“Hindi ako nagkakape.” Sagot ng binata na ang atensyon ay nakatutok sa tinatrabaho sa laptop.

“Milk?”

“No.”

“Okay, ano pong gusto nyo, tea or me?” biro pa ng dalaga.

Makahulugan siyang tiningnan ni Lito.

“Emilia all I want is silence.”

Agad na izinipper ng dalaga ang bibig niya at tinungo ang table na inilaan sa kanya ni Don Roberto malapit lang sa table ni Lito. (Itutuloy)