Una sa Balita

RTF-ELCAC: Paglaban sa mga hamon at 2019-nCoV

0 311

Sa kabila ng mara­ming pagsubok na kinakaharap ng bansa ay tuloy-tuloy ang mga ahensiya ng gobyerno sa pagsusulong ng mga programang makakatulong sa pagbangon ng maraming mahihirap na Pilipino.

Kabilang na po dito ang ating tanggapan, ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) na aktibong nagsusulong ng mga programa para sa mga dating miyembro ng New Peoples Army (NPA) na nagbalik-loob sa gobyerno sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.

Nitong nakaraang linggo lamang, nasa Cagayan de Oro City po tayo para sa ilang mahalagang aktibidad at sinamantala na po natin ang pagkakataon para ilunsad ang ilang aktibidad sa Northern Mindanao kung saan ako nakatalagang Cabinet Officer for Regional Development and Security (CORDS)

Pinasinayaan po natin ang groundbreaking ng itatayong pabahay para sa mga rebel returnee sa Region X, at namigay ng kaunting tulong mula naman sa iba’t ibang ahensiya gaya ng Department of Social Welfare and Development, Department of Agriculture, at Department of Interior and Local Government, National Economic and Development Authority, National Housing Autho­rity at maging ang Bangko Sentral ng Pilipinas.

Kapit-bisig po ang lahat ng mga pangunahing ahensiya ng gobyerno sa paghahatid ng serbisyo sa mga rebeldeng nagbalik-loob sa pamahalaan para makapagsimula ng bagong buhay.

Gusto ko rin pong pasalamatan ang mga local executive ng Cagayan de Oro City tulad ni Mayor Oscar Moreno at kanyang mga konsehal dahil sa aktibong partisipasyon nila sa Regional Task Force-ELCAC kaya naman inspirado ang gobyerno dahil sa positibong pagtugon ng mga rebelde sa alok ng pamahalaan.

Bahagi po ito ng adhikain ni Pangulong Rodrigo Duterte na maibalik sa lipunan ang mga naligaw na landas dahil sa maling prinsipyo at paniniwalang itinanim sa utak nila ng mga lider -komunista.

Sabi nga po ni Pangulong Duterte, natatanaw na niya ang kapayapaan sa bansa dahil sa magandang resulta ng isinusulong na programa ng NTF-ELCAC.

Hindi po tayo titigil sa mga ginagawa natin para masuportahan ang mga proyekto ni Pangulong Duterte sa natitira nitong dalawang taon at anim na buwan sa kanyang termino.

Sinamantala na rin po natin ang pagkakataon sa pagbisita natin sa Cagayan de Oro City para hilingin ang suporta ng mga lokal na opisyal sa mga ginagawang hakbang ng national government para mapigilan ang pagkalat ng 2019 Novel Coronavirus.

Gaya po ng aking unang­ sinabi, ang nCoV ang isa sa mga kinakaharap na hamon ngayon, hindi lamang ng bansa natin kundi ng buong mundo. Kaya naman hiniling ko ang suporta ng mga local executive sa mga ginagawang aksiyon ngayon ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng virus sa iba’t ibang panig ng bansa.

RTF-ELCAC: Paglaban…

Bagamat hindi kasali ang PCOO sa Inter-Agency Task Force ng Department of Health, nagpatupad po ang ating tanggapan ng hourly information drive gamit ang buong communications facility ng gobyerno at media platform para mabigyan ng tamang impormasyon ang publiko hinggil sa nCoV.

Layunin po ng ating oras-oras na information drive na kontrahin ang mga naglalabasang fake news lalo na sa social media hinggil sa corona virus na nagdulot ng pagkabahala sa publiko.

Hinihikayat ko po ang publiko na kumuha ng tamang impormasyon sa mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa isyu at huwag basta maniwala sa mga nakikita at nababasa sa social media .

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More