Una sa Balita

Round 3 & 4 niratsada ni Frayna

By
0 500

BIGLANG bumalasik si Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna, pinagulong sina Adrian Domerfield ng England at Woman FIDE Master Paula Alexandra Gitu ng Moldova upang sumampa muli sa top 10 matapos ang apat na round ng Brugse Meesters sa Bruges, Belgium, Lunes nang gabi.

Nakalikom si Frayna, 22, ng tatlong puntos upang sumama sa 21-player group sa No. 10, nakabangon ang Pinay sa kanyang pagkatalo sa round two kontra sixth seed GM Wan Yunguo ng China.

Makakalaban ni Frayna sa fifth round si Dutch Internatio­nal Master Lucas Van ­Foreest.

Nais ni Frayna,  suportado ng Philippine Sports Commission at ni Philippine STAR president at chief executive officer Miguel Belmonte, na paghigantihan si Van Foreest dahil natalo siya sa nakababatang kapatid ng Dutch chesser na si GM Jorden sa seventh round ng 22nd Hogeschool Zeeland tournament na ginanap sa Vlis­singen, Netherlands may isang linggo na ang nakaraan.

Nakabawi naman si GM Jayson Gonzales mula sa third-round loss kay third seed Matthew Turner ng Scotland matapos pisakin si FIDE-affiliated WIM Tsveta Galunova.

Sunod na makakalaban ni 49-year-old Gonzales si FM Georgi Tomov ng Bulgaria.

Tabla naman ang laro ni IM John Marvin Miciano kay Thomas Villiers ng England. May total two points na ang Pinoy woodpusher.