Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Rotary nagbigay pag-asa sa mga purdoy

0 31

Napaligaya ang mga residente mula sa iba’t ibang barangay sa Quezon City nang magpamahagi ng food packs ang Rotary District 3780 upang maibsan ang hirap na idinulot ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Kamaynilaan at iba pang karatig lalawigan.

Sa pangunguna ni District Governor Johnny Gaw Yu, sinimulan ng Rotary District 3780 ang pamamahagi ng 5,000 food pack kada araw sa ilalim ng kanilang programang Ahon Pilipino Relief Operations noong Marso 30 at tatagal hanggang sa Abril 11. Bukod sa mga adopted barangay and community ng bawat Rotary Club, higit nilang tinutukan ang mga barangay na inilagay sa special concern lockdown ng nasabing lungsod.

“Before the lockdown, we were talking about the preparation kasi nga we are trying to wait and see kung ano ang gagawin ng gobyerno. Pero so far, nakikita natin na minimal lang eh. We could not see anything na katulad nang ginawa nila last year na magkaroon tayo ng food mobile vans for this barangay. Ang nakikita lang natin ay iyong lockdown. Panay lockdowns ang mga barangay at hindi natin nakikita kung ano ang plano for that barangay,” paliwanag ni Gov. Yu.

Sa personal na paggiya ni Yu, natulungan nila ang mga mahihirap na residente kagaya ng mga taga-Barangay Tatalon, Masambong, Apolonio Samson, Bagong Silangan at iba pang adopted barangay and community ng mga Rotary Club na nasasakupan ng kanyang distrito gayundin ang nasa special concern lockdown partikular na ang ilang bahagi ng mga barangay Roxas, Commonwealth at Villa Maria Clara.

“I talked to some of my presidents na let’s continue our Tulong Pantawid program, eto nga ang Ahon Pilipino. It was conceptualized during last year’s sunod-sunod na typhoon. We went to Bicol and Cagayan Valley. Although we are coordinated with the Barangay Bureau of Quezon City, tinitingnan namin kung ano ang priorities. This is our commitment to the people,” ani Gov. Yu.

Bilang isang COVID survivor, nadarama ni Yu ang paghihirap at pagtitiis ng mga taong nagkasakit sanhi ng virus. Kaya sinisikap nilang maipagpatuloy ang magandang hangarin hangga’t makakaya ng kanilang badyet at manpower ng club.

Prayoridad ng Rotary District 3780 na matugunan ang nasa ilalim ng special concern lockdown barangays na sadyang hilahod na sa paghihirap sanhi ng masamang epekto ng pandemic at tila walang katapusang lockdown sa bansa.

Bagama’t maraming nais tumulong sa kanilang humanitarian program, hinikayat din ng District Governor ang iba pang non-governmental organization kagaya ng Kiwanis, Lion’s Club at Jaycees na tulungan ang mga kababayang sinasabing poorest of the poor.

“Iyon na lang ang nakikita kong isang paraan na sana lahat ng Pilipino ay makatulong. Kung sino man ang maykaya, kahit konti lang, tulungan iyong kapitbahay niyo. Tulungan mo iyong barangay mo. Okay na iyon. Help each other, that is the essence of Bayanihan,” pagwawakas ni Yu.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.