Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Rosas ang kulay ng pag-asa

0 211

Napansin mo rin ba ang pagsabog ng pink mula nang nagdeklara ng kandidatura si Leni Robredo? Pink na profile picture, pink na litrato ng mga artista, pink na mga pa-lugaw, pink na caravan at motorcade, pink na mga t-shirt… Parang kahit saan ka lumingon nitong mga nakaraang araw, pink ang bumubungad, online man o offline.

Nakamamangha itong “pinksplosion.” Kitang-kita mo na nabuhayan ng loob ang mga kababayan nating halos mawalan na ng pag-asa dahil sa palpak at walang malasakit na pamumuno. Kusang loob silang naglabasan — gamit ang sariling pera at talento, kanya-kanya sila ng diskarte kung paano pa mapaparami ang tinatawag ngayong “Kakampink.” Malinaw: isa itong tunay na people’s campaign, na nag-uumapaw sa positive energy at kagustuhang tumulong sa kapwa. Parang hilamos ng maligamgam na tubig sa napakatagal na pagkakababad natin sa pagmumura, pang-iinsulto, at pambabastos ng mga may hawak ng kapangyarihan.

Hindi naman nakapagtataka na malaki ang nagiging papel ng taumbayan sa kampanya ni Leni. Kung titingnan mo ang mahaba niyang track record ng paglilingkod, lagi naman niyang kasama ang taumbayan. Mula sa pagiging abogado para sa mahihirap, sa kanyang pagiging kinatawan ng mamamayan ng Bicol, hanggang sa maging bise presidente siya, kasama siya ng mga nangangailangan at mga nasa laylayan. Kapag panahon ng sakuna, naroon siya at pinamumunuan ang relief efforts. Kahit madaling araw tumutulong sa paghahanap ng bangkang magagamit sa rescue. Minsan, umuupo para siya mismo ang sumagot sa mga tumatawag sa kanyang programang Bayanihan e-konsulta.

Kaya nga natural lang na ang kanyang mga natulungan at nakatrabaho rin ang kasama niya ngayon sa pagsusulong ng mas makatarungang lipunan. Para bang patikim sa parating na panahon na may tiwala ang taumbayan sa kanilang pamahalaan. Ganadong tumulong ang pribadong sektor dahil sigurado silang makakarating sa nangangailangan ang kanilang kontribusyon. At ginagawa ng bawat opisina ng pamahalaan ang dapat lang nilang ginagawa: ang maglingkod sa sambayanang Pilipino.

Related Posts

Sa isang mensahe na inilabas ni Leni noong Huwebes, inamin niyang pati ang desisyon na gamitin ang pink bilang kulay ng kampanya ay nanggaling sa volunteers. Matapos magpasalamat sa pagbuhos ng suporta, inilatag din ni Leni ang magiging direksiyon ng kanyang kampanya: Laging nagmumula sa kagustuhang tumulong, at walang pagod sa paggigiit na hindi kalaban ang mga nangangailangan. Sa halip, sila ang ipinaglalaban.

Nakakapanindig-balahibo ang mensaheng ito. Dahil sa pandemya at mga epekto nito, napakadali na lang mahulog sa patibong ng pakikipagbangayan. Mas madaling magwalang bahala na lang sa mga nangyayari at isipin na lang ang sarili at mga mahal sa buhay. Tapos hayan, may isang lider na nagpapaalala sa atin na magtatagumpay lamang tayo kung tutulungan at pakikinggan natin ang isa’t isa. Sabi pa niya: “Madaling makipagtalo. Mas radikal ang magmahal.”

Wala na ngang duda: Rosas ang kulay ng pag-asa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.