Una sa Balita

Roque kampi sa nagpapakalat ng fake news

By
0 7,524

TINAPOS na ni Senate Committee on Public Service Chairperson Grace Poe ang hearing na may kinalaman sa fake news.

Sa ikatlo at huling hearing ng kumite, nagkaroon ng pagtatalo sina Poe at Presidential Spokesman Harry Roque dahil sa panukala ng mambabatas na patawan ng parusa ang mga opis­yal at kawani ng gobyerno na magpapakalat ng fake news sa social media.

Ito ay ang Senate Bill number 1680 na isinusulong ang pagdaragdag ng probisyon sa Code of Conduct and Ethical Standards for Government Officials para ma­ging responsable ang mga kawani ng pamahalaan sa social media.

Iginiit ni Roque na discriminatory ang panukala ni Poe dahil pinupuntirya lang ang mga taga-gobyerno at maituturing itong paglabag sa Kons­titusyon na dapat laging patas sa lahat.

Idinagdag ng tagapagsalita na hindi makatuwiran na may papatawan ng parusa para sa pagkakalat ng fake news na hindi pa rin naman malinaw ang kahulugan.

Nanindigan si Roque na dapat ipaubaya sa publiko ang pagtukoy kung ito ay totoo o peke.

Binigyang-diin naman ni Poe na matagal naman nang bawal para sa lahat, nasa gobyerno man o pribadong tao, ang paninira o pagkakalat ng fake news alinsunod sa Revised Penal Code, Article 154.

Nang uminit na ang pagtatalo, sinabihan na lang ni Poe si Roque na dumalo sa public hearing­ ng Senate committee on civil service hinggil sa kanyang panukalang batas.