Una sa Balita

Romblon Rep Madrona hugas-kamay sa P4.7B pork

By
0 692

ODIONGAN, Romblon — Nilinaw ni Romblon Congressman Emmanuel Madrona na ang naidagdag sa kanyang pondo ng opisina ni Budget Secretary Benjamin Diokno ay mapupunta sa mga proyekto ng mga national agencies sa lalawigan kagaya ng mga national road, farm to market road at evacua­tion center sa mga barangay.

Sa panayam ng lokal na pahayagang Romblon News Network kay Madrona, sinabi nitong tama ang ibinalita ng Abante na P4.7 ­bilyong dagdag budget ang dapat ‘sana’ mapupunta sa Romblon kung hindi lang ito naharang at nagkaroon ng problema sa mga mambabatas.

“‘Yung mga karagdagang pondo na ‘yun ay ‘yun ‘yung mga request namin sa time ni Speaker Alvarez, at ‘yun na nga, napagbigyan. Actually, mala­king tulong sana ‘yun sa Romblon,” ayon kay Madrona.

Sinabi rin nito na hindi na aabot sa P6.770 bilyon ang budget sa Romblon kundi nabawasan at may kabuuan na lang itong mahigit tatlong bilyong piso.

“Hindi na siya kasama pero may natira rin, ‘yun ‘yung mga importante at ipinaglaban ko talaga para sa probinsya ng Romblon. Isa rito ‘yung tuloy-tuloy na pagsemento sa mga national road, mga slope protection at mga kalsada patungong tourist spot,” dagdag ni Madrona.

“Meron tayong budget para sa circumferential road ng Sibuyan, San Jose at Tablas, kalsada papuntang Tablas Point sa Santa Fe, at kaslada papuntang Garing Falls sa Odiongan,” pahayag pa ni Madrona.

Ipinaliwanag rin nito na ang mga national agencies ang nagsusumite ng mga proposal sa opisina ng congressman at siya lang ang nagpapaabot para mabigyan ng kaukulang pondo sa 2019 national budget.

Dahil ngayon umano ay nasa bicameral committee na ang kamara at senado, sinabi ni Madrona na sana ay makahingi pa siya ng dagdag pondo pa para sa lalawigan kagaya ng mga hi­ling ng mga barangay na covered court.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy