Una sa Balita

Rodney Cyrus gagawin ang lahat para maging arkitekto, PH Team member

By
0 273

SA murang edad na 11, pangarap ni Rodney Cyrus M. Anahaw na maging arkitekto balang araw upang makapagdisenyo ng matatayog at magagandang gusali.

Bukod rito, nais din niyang maging bahagi ng Philippine Taekwondo Team katulad ng idolong si Rodolfo Reyes, Jr., na bronze medalist sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia taong 2017.

Sa kasalukuyan, nasa tamang direksiyon na ang grade 6 student mula Sacred Heart Villa School sa Lalaan 1st, Silang, Cavite.

“Pangarap ko po talagang maging part ng National team and siyempre maging successful architect po,” sambit ng batang taekwondo jin. “Nagpapasalamat po ako sa aking coach, Edwin Ambulo ng Silang Taekwondo Club sa patuloy na paghubog sa aking kakayahan.”

Kuwento naman ng ina ni Cyrus na si Rowena Mendoza Anahaw, nakikita niyang masaya ang kanyang anak sa kanyang ginagawa kaya lahat ng suporta ay kanyang ibinibigay.

“Ang alam ko happy siya, after na maging blackbelt siya last August ay sunud-sunod ang competition at nanalo siya.

Madami kasi siyang gusto sa buhay. Gusto din niyang makatapos ng pag-aaral na maging professional siya hanggang kaya ng health niya magta-taekwondo siya. Dream din niya makasali sa Philippine Team,” sabi ni Misis Rowena.

“Sa passion niya, kung saan siya masaya at nag-eenjoy nandito lang kami as parents na susuporta sa kanya. Gusto ko siyempre ma-pursue niya ang architecture at ang taekwondo. Malay natin someday makasali siya sa Philippine Taekwondo Team.”

Ilan sa mga nasipa nang titulo ni Rodney ang bronze medal sa 4th Laguna Age Group Taekwondo Competition noong Mayo 2018; gold medal sa District Sports Competition sa Silang Central School sa Silang, Cavite nitong Setyembre 1; gold sa East Cavite Sports Unit Fest GMATHS sa GMA, Cavite nitong Setyembre 28; ang bronze medal finish sa National Inter-School Taekwondo Championships na ginanap naman sa Rizal Memorial Stadium nitong nagdaang Setyembre 30 at ang silver medal finish niya sa Division Meet – North/South/East/West Cavite sa Tanza nitong Oktubre 4.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy