Robredo sumaklolo sa mga ospital na apaw COVID

Bunsod ng paglobo ng kaso ng COVID ay naglunsad ang tanggapan ni Vice President Leni Robredo ng libreng teleconsultation service na naglalayong tugunan ang pangangailangan ng atensyong medikal sa gitna ng pandemya.
Ang Bayanihan E-Konsulta Facebook page ay inilunsad ng Bise Presidente kahapon para makatulong sa mga outpatient case sa Metro Manila at iba pang karatig lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine.
Ayon kay Robredo, layon ng inisyatibo na magbigay ng tulong medikal lalo na sa mga mahihirap. Sa ilalim ng proyektong ito, maaaring magpalista para sa konsultasyon sa Facebook Messenger, kahit pa gamit ang free data.
“Ito pong ginagawa natin, attempt po ito na kahit paano makatulong tayo maka-decongest ng mga hospitals. Na iyong mga pasyente, whether COVID or non-COVID, na hindi naman kailangang ma-hospitalize, at least kahit nasa bahay lang sila, mayroon silang medical help na matatanggap,” aniya.
Sa mga pagkakataon namang may emergency case na kailangan na agarang madala sa ospital, ire-refer sila ng OVP sa One Hospital Command, alinsunod sa kasalukuyang guideline.
Ang inisiyatibo ay naging posible dahil sa tulong ng mga volunteer na doktor, health professional, at iba pang mga Pilipino na nakiisa. Noong Martes ng gabi, nakapagtala na ang OVP ng higit sa 2,300 volunteer para sa proyekto.
