Una sa Balita

Robredo pumalag sa quo warranto petition vs ABS-CBN

0 491

“PANGGIGIPIT ito, ayon sa pansariling agenda ng iilan nasa poder. Samakatuwid, pang-aabuso ito ng kapangyarihan.”

Ito ang buwelta ni Vice President Leni Robredo sa inihaing quo warranto petition sa Korte Suprema ng Office of the Solicitor General na humihiling na bawiin ang legislative franchise ng tv network giant ABS-CBN dahil sa ilang pang-abuso.

Sa isang statement, sinabi ni Robredo na ang kalayaan sa pamamahayag ay hindi lamang tungkol sa kalayaang magsalita bagkus tungkol din ito sa karapatan ng sambayanang marinig ang katotohanan sa buong lawak nito.

Ang prangkisa ng ABS-CBN ay nakatakdang mag-expire sa Marso 30, 2020, ang franchise renewal petition nito ay noon pang Agosto 2019 nakabinbin sa House Committee on Legislative Franchises sa pamumuno ni Pa­lawan Rep. Franz Alvarez subalit hanggang ngayon ay hindi ito ina­aksyunan.

Sa Marso 11 ay nakatakda nang mag-adjourn ang sesyon ng Kongreso at kung hindi matata­lakay ang franchise renewal petition ng ABS-CBN ay awtomatiko itong mapapaso.

Bunga nito, hinimok ni Rob­redo ang publiko na bantayan ang ginagawang panggigipit sa ABS-CBN.

“Taliwas sa karaniwang pro­seso ng pag-renew ng prangkisa ang nangyayari.
Panggigipit ito. Ang itanong po natin, kung nagagawa ito sa pinakamakapangyarihang network sa ating bansa, gaano pa katagal para magawa ito sa iba pang mas maliliit na network, sa mga pahayagan at istasyon ng radyo at pati sa sari-sarili nating social media feed, upang madiktahan tayo kung ano ang totoo at mahalaga. Sino ang magtatakda ng totoo? Kapag sinasamsam ng gobyerno ang kapangyarihang ito ay sinasamsam din nila ang kolektibong tungkulin nating kilatisin ang katotohanan,” paliwanag ni Robredo.

Hinamon din ni Robredo ang mga mambabatas na gawin ang kanilang tungkulin at ipaglaban ang press freedom. (Tina Mendoza)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More