Una sa Balita

Robredo hindi nananakot sa drug report

0 316

WALANG dapat matakot sa ilalabas na drug war report, ayon kay Vice President Leni Robredo.

Ito ang paglilinaw ni Robredo dahil ang anticipation sa kanyang report ay nananakot siya pero hindi aniya ito ang hangarin niya kundi para lamang ihayag ang kanyang rekomendasyon.

“Walang dapat matakot. Iyong anticipation rito ay nananakot ako. Iyong sa atin lang, rekomendasyon, para ipakita na hindi ko sinayang iyong 18 days na binigay sa atin,” pahayag ni Robredo.

Dagdag pa ni ­Robredo na ang pananakot ay para lang sa mga may kasalanan.
“Hindi ito pananakot kasi iyong pananakot, para lang ito sa may mga kasalanan. Ang hinaha­nap natin solusyon, hindi problema,” giit pa nito.

Sa Lunes, Disyembre 16, ilalabas ni Robredo ang kanyang report.

Una nang sinabi ni Robredo na ang nilalaman ng kanyang report ay mga impormasyon na kanyang nakuha sa 19 araw niya bilang Co-Chairman ng Inter Agency Committee in Anti Illegal Drugs gayundin ang mga rekomendasyon na nais sana niyang gawin para makatulong na mapagtagumpayan ang war on drugs.

Aniya, mas pinili niya na isapubliko ang report kaysa sa nasa desk lamang niya ito. Umaasa si Robredo na ang kanyang mga rekomendasyon ay mairerekonsidera din ng administrasyon.

Nabatid na ang unang­ dalawang report ni Robredo sa illegal drugs ay kanyang naisumite kay Pangulong Rodrigo Duterte at ang ikatlo sanang report ay hindi na naisumite sa Malacañang matapos na sibakin sa puwesto kaya kanya na lamang itong isasapubliko.

Inamin ni Robredo na sa dalawang report na kanyang isinumite sa Malacañang ay walang sagot dito si Pangulong­ Duterte. (Tina ­Mendoza)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy