Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Robredo hinati oposisyon

0 298

Inalmahan ni labor leader at presidential aspirant Leody de Guzman ang alegasyon na mas nanganganib na manalo sa darating na 2022 presidential race si Vice President Leni Robredo dahil hinahati umano niya ang mga boto nito.

Bagama’t nagpapasa­lamat siya sa respeto sa kanya ng human rights advocate na si Camille Estonio, idiniin ni De Guzman na kailangan niyang klaruhin ang sinabi nito na magkakawatak-watak ang boto ni Robredo dahil sa kanyang pag-eksena.

Paliwanag ni De Guzman, hindi niya hinahati ang boto ni Robredo dahil may sariling botante ang bise presidente.

Ito ay ang mga sumasang-ayon aniya kay Robredo na hindi dapat makabalik sa kapangya­rihan ang pamilya Marcos at Duterte dahil sila ang tunay na problema ng bansa.

Iginiit ng labor leader,­ na tumatakbo sa ilalim ng Partido ng Lakas ng Masa (PLM), na magkaiba sila ng ha­ngarin ni Robredo dahil bahagi ng isinusulong niya ay ang mapataas ang kalidad ng buhay ng mga manggagawa laban sa kahirapan at kaapihan.

Naniniwala aniya siya na kahit mahadlangan ni Robredo ang pagbabalik ng Marcos kasama ang Duterte, wala pa ring mapapala ang mga manggagawa hanggang may umiiral na contractualization at rice tarrification law naman sa pagsasaka.

Matatandaang aktibo ang grupo nina De Guzman sa pagsuporta sa oposisyon para i-protesta ang iba’t ibang isyu sa gobyerno.

Gayunman, sinabi ni De Guzman na ayaw na niyang maulit ang masamang karanasan nang maging bahagi siya sa pagsuporta ng taumba­yan kay yumaong dating pa­ngulong Cory Aquino laban kay dating pangulong Ferdinand E. Marcos at dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo laban naman kay dating presidente Joseph Estrada dahil pareho naman umanong walang napala ang taumbayan.

Idiniin ni De Guzman na kasalanan na rin ni Robredo kung may nangyaring paghahati sa boto dahil sa sumablay na pakikipag-usap niya kina Sen. Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno.

“Para magsama-sama raw ang oposisyon at sa ginawa niya, nabendisyunan si Pacquiao at si Isko na oposisyon din,” ani De Guzman.

Idinagdag pa ni De Guzman na marami rin ang nainip sa tagal ng pagpapasya ni Robredo kung kaya’t lumipat sa kampo nina Pacquiao at Moreno ang ilan sa mga dapat sana ay magiging­ kakampi niya. (Mia Billones/Mark Joven Delantar)

Leave A Reply

Your email address will not be published.