Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Roadmap sa pambansang bakuna ng Pilipinas

0 165

Sa dalawang magkakahiwalay na okasyon habang nagbibigay ako ng press briefing sa Malacanang, nakausap ko si Antonio Manuel Lagdameo, ang Philippine Ambassador sa United Kingdom at si Jose Manuel Romualdez, ang Philippine Ambassador sa United States tungkol sa pagpapaunlad ng bakuna sa bansa kung saan sila naatasan.

Kapwa nila ipinahayag na posibleng maaprubahan na ang isa o higit pang mga bakuna sa malapit na hinaharap sa kani-kanilang mga bansa na naatasan. Pareho nilang tiniyak na ang Pilipinas ay makakakuha ng nasabing mga bakuna sa sandaling ito ay mabuo at maging handa na para gamitin.

Ngunit kahit na ang mga vaccine clinical trials sa ilang mga bansa ay nasa huling yugto na ng pagbuo, kailangan pa rin nating maghintay dahil may mga proseso pa itong pagdadaanan. Kung magkagayon man, handa na ang ating gobyerno. Nagawa na ang mga plano sa pagkuha, pamamahagi, at pag-roll-out nito.

Noong ika-5 ng Nobyembre, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Philippine National Vaccine Roadmap. Ayon sa roadmap, ang pinakamahalagang isasaalang-alang sa pagkuha ng bakuna laban sa COVID-19 ay ang kaligtasan at bisa nito dahil mahalaga na mabisang mabawasan ng bakuna ang ating panganib sa impeksyon habang tinitiyak na ligtas itong gamitin at walang magiging masamang epekto.

Ang iba pang mga bagay na dapat isaalang-alang sa pagkuha ng bakuna ay ang kaselanan, gastos at mga kumplikadong pangangailangan sa supply chain at pag-access para sa clinical trials. Kasama na rin dito ang produksyon at pamamahagi sa iba’t-ibang rehiyon, mga hamon sa paghahanda at pagpapatupad, pati na ang supply at demand ng bakuna sa buong mundo.

Mayroong pitong mahahalagang yugto ang roadmap at pangungunahan ang mga ito ng kaukulang ahensya ng gobyerno. Ang Stage 1 ng roadmap, na pinaka-kritikal ayon sa mga eksperto, ay ang siyentipikong pagsusuri at pagpili na gagawin ng Department of Health (DOH) at Department of Science and Technology (DOST).

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang Stage 2 ay ang pag-access at pagkuha, na gagarantiya ng ating pag-access sa mga bakuna. Ito ay pangugunahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Department of Finance (DOF). Ang Stage 3 ay ang pagkuha na gagawin ng Procurement Service Department of Budget and Management (PSDBM) at ng DOF. Ang Stage 4 ay ang pagkuha, pagpapadala, at pag-iimbak na pangangasiwaan din ng PSDBM at ng Task Group Resource Management and Logistics (TGRML) ng NTF.

Ang Stage 5, ang pamamahagi at pag-dedeploy ng bakuna ay pangangasiwaan ng PSDBM at ng TGRML. Ang Stage 6, ang pagpapatupad at pagbabakuna sa buong bansa ay pangangasiwaan ng DOH. Makikipagtulungan sa kanila ang mga ahensya ng pambansang pamahalaan, mga yunit ng lokal na pamahalaan, at iba pa. Ang huling yugto o Stage 7 ay ang pagtatasa, pagsusuri, at pagsusubaybay na gagawin ng DOH, DOST, at ng University of the Philippines National Institutes of Health.

Ang Pilipinas ay magkakaroon ng maraming mga pagpipilian o mga puntos ng pagpapasya ukol sa mga alituntunin ng pagpili at pagkuha ng bakuna. Sa pagpili ng bakuna, ang iba pang mga puntos ng desisyon na isasaalang-alang bukod sa kaligtasan at pagiging epektibo nito ay kung makakakuha tayo ng single dose o two doses, single dose o multi-source. Isasaalang-alang din ang magkakaibang temperatura na kinakailangan para sa cold chain facility.

Samantala, isasaalang-alang sa pag-access at pagpili ng bakuna ang ating pagpapatala sa COVAX Facility na may walong nangungunang tagagawa ng bakuna. Pagtutuonan din ng pansin ang bilateral na pakikitungo sa gobyerno at sa mga kumpanya ng bakuna. Ang iba pang bibigyan ng atensyon ay ang multilateral na modalidad tulad ng pooled purchase at ang tripartite agreement sa pagitan ng gobyerno, pribadong sektor, at pribadong kumpanya na sinusuportahan ng ibang gobyerno.

Patuloy din na binabantayan ng pamahalaang pambansa ang iba’t ibang mga pag-aaral ng bakuna na ginagawa sa buong mundo upang matiyak ang kaligtasan at pagiging epektibo ng bakuna sa sandaling ideklara na ito ay maaari nang gamitin. Ang mga nangungunang ahensya hinggil sa bakuna ay nakapaglatag na ng kanilang mga plano at nagsasagawa na rin sila ng mga paunang aktibidad tulad ng mga aktibidad sa pagpapaunlad ng bakuna ng DOST, mga plano ng PSDBM tungkol sa pagbili ng bakuna at pananalapi, at mga aktibidad na ginagawa ng DOH sa paglalagay ng bakuna at pag-roroll-out ng mga ito.

Muli, tulad ng tinalakay ko dati, mayroon ding estratehiya ang pamahalaan sa pag-prioritize kung sino ang unang makakakuha ng bakuna. Ang mga indigent na kabilang sa mga benepisyaryo ng 4Ps, frontliners, manggagawa sa pangangalaga ng kalusugan, sundalo, pulisya, iba pang mahahalagang tauhan ng serbisyo, at ang may mataas na posibilidad na mahawa ay bibigyan ng priyoridad na makatanggap ng bakuna.

Nangako si Pangulong Duterte na lahat ay mababakunahan laban sa COVID-19 nang walang exemption. Ang ilan ay maghihintay nga lamang ng mas mahabang panahon kaysa sa iba. Pansamantala, tandaan natin ang hinihiling sa atin ng Chief Executive: mask, hugas, iwas. Nais niya na lahat tayo ay manatiling malusog, ligtas, at buhay pagdating ng bakuna.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.