Una sa Balita

Road safety marshall

0 644

Nakakatuwa na makita na nagtutulungan ang mga awtoridad at grupong sibiko sa mga gawain para sa ikabubuti ng komunidad.

Anumang pasanin o hamon, gaano man kabigat, kakayanin kung ang lahat ay nagtutulungan.

Ang dumamay sa kapwa ay isa sa magandang ugali ng mga Filipino. Kapag may trahedya sa pamilya, nakakatawid sa problema dahil nagtutulungan ang lahat, kahit sa maliit na kaparaanan.

***

Sa usapin ng pamamahala o ‘governance’, ang pagtutulungan sa pagitan ng komunidad at gobyerno ay napakahala­ga lalo na sa kampanya kontra kriminalidad. Ang tawag dito ay ‘boluntarismo’.

Kahit anong ganda ng kampanya ng gobyerno laban sa katiwalian at karahasan, hindi ito magtatagumpay kung walang suporta mula sa mga tao.

***

Dahil sa nanatili pa ring problema ang ‘ri­ding-in-tandem’, ayon mismo ito kay PNP Chief Director General Ronald dela Rosa, kinuha ng PNP ang serbisyo ng mga ‘Grab driver’ bilang ‘force multiplier’ sa pagsugpo ng kriminalidad.

Tinawag sila ni Gen. Bato na ‘Road Safety and Security Ambassador’ na ang pangunahing mis­yon ay habulin ang mga kriminal na nakasakay sa motorsiklo.
Sa isang seremonya sa Kampo Crame, mahigit sa isang libong mga miyembro ng Transport Network Vehicles o TNVS ang nanumpa na gaganap sa tungkulin para sa bayan.
Sana makatulong ang grupong ito at hindi maging pasaway.

***

Tinaguriang ‘road safety marshalls’, tutulong ang mga ito sa PNP sa pagbibigay ng impormasyon sa mga nangyayaring krimen at aksidente sa kalsada para agad makaresponde ang mga awtoridad.

Maaaring mang-aresto ang mga miyembro ng TNVS sa pamamagitan ng tinatawag na ‘citizen’s arrest’.

Ang pribilehiyong ito ay malaking hamon sa TNVS na siguradu­hing hindi napasok ng mga dorobo at mga sira ang ulo sa kalsada ang kanilang hanay.

Sa kultura ng mga ‘Pinoy driver’, na nagkaroon ng sticker o ID mula sa ahensiya ng gobyerno tulad ng PNP-HPG, mas malamang na magamit ang mga sticker sa personal na kapasidad, tulad ng pagpasok sa ‘one way’, o kaya naman ang mag-‘counter flow’ sa katwirang may ‘emergency’ na nakabu­yangyang ang sticker ng PNP-HPG sa ‘windshield’ ng mga sasakyan.

Wala sanang mabalita na may lumabag na mi­yembro ng TNVS.