Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

RITM, iba pang may COVID test claim nganga! PhilHealth inuna P5B utang sa Red Cross

0 222

Inuna ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang pagbabayad ng P8 bilyon para sa COVID-19 tests as of July 26 na kinuha mula sa Philippine Red Cross bago pa bayaran ang mga ospital at doctor na siyang gumagagamot sa mga may sakit.

Nauna nang inamin ng PhilHealth ang P25.6 bilyong utang sa mga partner na ospital ngunit binawi nila ito at sinabing P12.9 bilyon lamang.

Ayon sa mga ospital, lagpas na ang PhiHealth sa 60 araw processing time sa pagbabayad sa mga ospital at doctor na nakatakda sa Universal Health Care Law kaya umaasa na sa utang sa bangko ang ilan para sa kanilang mga gastusin.

Sa pinakitang pandemic report ng PhilHealth sa isang pulong kasama ang mga ospital, sinabi nitong 4.26 milyong COVID-19 test claims na ang natanggap nito at 57.9% o halos 2.5 milyon ang binayaran na nagkakahalaga ng P8.2 bilyon.

Sa 130,581 claims naman para sa paggamot sa mga pasyente, 15,291 lamang o 11.7% ang binayaran ng PhilHealth sa mga ospital na nagkakahalaga ng P3.7 bilyon.

Sa 56,022 claims para sa isolation ng mga nagpositibo ngunit hindi malala ang kalagayan, 10,693 o 19% lamang ang binayaran ng PhilHealth na nasa P240 milyon.

Ang Research Ins­titute for Tropical Medicine (RITM) na unang nagsagawa ng RT-PCR tests simula noong Enero 29, 2020 ay nagsagawa ng 539,856 swab test ngunit 7,795 lamang ang binayaran ng PhilHealth o P63 milyon. Ibinalik ng PhilHealth ang marami sa claims ng RITM at dinenay pa ang iba.

Ang Detoxicare Molecular Diagnostics Laboratory na may 942,722 na COVID tests simula April 12, 2020 ay binayaran ng para lamang sa 331 RT PCR tests na nagkakahalagang P1.13 milyon. Karamihan ay prinoproseso pa, ibinalik sa laboratoryo o dinenay pa.

Ang Philippine National Red Cross na maraming maraming natanggap na donasyon mula sa private sector ay nakapagsagawa ng 3,854,362 tests at ayon sa ulat ng PhilHealth noong June 9, 2021 ay 1,563,431 dito ay binayaran ng P5.5 bilyon na pumapatak na mahigit sa P 3,500 kada test.

Ang Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital sa Pampanga na isa sa malaking CO­VID-19 hospital sa Central Luzon ay nagsumite ng claim para sa 208,922 swab tests ngunit 40,264 lamang o 19% ng binayaran ng PhilHealth. Ang National Kidney and Transplant Institute na nagsumite ng claim para sa 34,975 tests ay binayaran ng lamang sa 5,479 claims o 16%.

Ayon sa source ng Abante, ang claims ng Red Cross ay hindi dumadaan sa Benefit Administration Section nito sa regional offices na dapat na bumubusisi at nagre-review ng mga doctor at mga dokumentong sinumite bago bayaran kaya marami ang prinoproseso pa o binabalik sa ospital at nadedenay.

Naglabas ang Commission on Audit ng Audit Observation Memo sa PhilHealth noong June 30, 3031 kung saan pinuna nito na hindi kumpleto ang impormasyon sa listahan ng binayaran nito at may mga taong na-test ng dalawang beses sa isang araw at may mga pangalan na lumalabas ng dalawang beses sa magkakaibang listahan. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.