Risa pumalag kay Duterte

By

Nanindigan ang isang senador na hindi dapat ma­ging biro ang rape kahit anong katayuan sa buhay ng biktima, paslit man o sa isang Miss Universe.

Ito ang binigyang-diin ni Sen. Risa Hontiveros matapos palagan ang panibagong rape joke ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte kung saan papalakpakan pa umano nito ang gagahasa sa isang Miss Universe kaysa sa mga walang muwang na bata.

“You can’t mess even with Miss Universe when it comes to rape. You don’t have balls when you rape somebody. You have a cowardly hatred of women,” diin ni Hontiveros sa kanyang tweet kahapon.

Sa isang press conference naman kahapon sa Bahay Alumni ng University of the Philippines, itinuring ni Hontiveros si Pangulong Duterte bilang kampeon ng “chauvinism” at “misogyny”.

“Kailangang hindi maging joke ang panggagahasa at sa paulit-ulit na ganyang pagjo-joke tungo sa isang bagay na napakaseryoso at isang krimen at paglabag sa dignidad at karapatang pantao ng isang babae, lumalabas na si Presidente Duterte ay pinaka naging champion ng male sexism, chauvinism at misogyny,” diin ni Hontiveros.

Noong Biyernes, habang nasa isang event sa tourism sa Davao City ay nagbiro ang Pangulo na ayaw na ayaw niya na may batang mabibiktima ng panggagahasa.

“You can mess with, maybe a Miss Universe. Maybe I will even congratulate you for having the balls to rape somebody when you know you are going to die,” birada ng Pangulo. 

SHARE