Una sa Balita

Rio-bound PH athletes lumipad na

By
0 2

May Zika virus at Super Bacteria man o wala, lumipad na kagabi ang anim na atleta at coaches at ilang sports official ng Philippine Team patungong Rio de Janeiro, Brazil para sa kampanya sa 31st Summer Olympic Games na nakatakda sa Agosto 5-21.

Mabigat ang misyon ng mga atletang Pinoy  wakasan ang 92-year gold medal drought.

Trangkada ni two-time UAAP Athlete of the Year, tinalagang flag bearer ng bansa at Cagayan de Oro City native  Ian Lariba ng table tennis ang mga players na magsasakripisyo ng 25-hour trip buhat sa Maynila papunta sa pangalawang pinakamalaking populasyon ng South American country.

Saktong alas-11:30 ng gabi nang umakyat ng Emirates Airline ng UAE sina  Lariba, weightlifters Hidilyn Diaz at Nestor Colonia, long jumper Marestella Torres, swimmer Jessie Khing Lacuna at taekwondo jin Kirstie Elaine Alora. Kasama ng mga manlalaro sina chef-de-mission Jose Romasanta at security officer 1  Antonio Tamayo, Jr.

Magbubuhat sa US mainland pa-Rio sina boxers Rogen Ladon at Charly Suarez, at hurdler Eric Shauwn Cray, galing Hawaii si swimmer Jasmine Alkhaldi, sa Japan manggagaling si marathoner Mary Joy Tabal at susunod mula sa Maynila rin si golfer Luis Miguel Tabuena.

Sa nakaraang 20 Olympics na sinabakan ng mga Pinoy mula noong 1924 sa Paris, France hanggang noong 2012 sa London, nakapag-uwi pa lang ang bansa ng dalawang silver sa boxing, tatlong tanso sa boxing din at tigalawang bronze sa athletics at swimming.

Pero bokya sa medalya ang bansa sa liderato ni POC president Jose Cojuangco, Jr. sa nakaraang tatlong edisyon ng quadrennial sportsfest, kasama ang 2004 sa Athens, Greece at 2008 sa Beijing, China.