Una sa Balita

Riding-in-tandem huwag igaya sa war on drugs

0 57

May bagong misyon ngayon ang kapulisan pagkatapos alisin sa kanilang kapangyarihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang war on drugs at ibinigay ito sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Haharapin naman ng Philippine National Police (PNP) ang problema sa mga riding-in-tandem na sangkot sa iba’t ibang kaso ng kriminalidad.

“‘Yung riding-in-tandem, bantay kayo. Upakan namin kayo,” matapang na pahayag ni PNP Director General Ronald ‘Bato’ de la Rosa.

Matagal nang problema itong mga kriminal na magkakaangkas sa motorsiklo. Minsan nga ay tatlo pa ang nakasakay sa motorsiklo kapag may gaga­wing krimen. Katulad ng nangyari sa isang barangay chairman sa Tondo, Maynila na hindi lang isa kundi tatlong pares ng riding-in-tandem ang sinasabing pumatay sa biktima.

Pero, hindi pa malinaw kung paanong pupuksain ng kapulisan ang mga riding-in-tandem na sangkot sa iba’t ibang krimen. Walang ibinigay o sinabi si Dela Rosa na pamamaraan. Basta nagbanta pa lang ang PNP chief: “Wala na kaming war on drugs, wala na kami sa drugs hands-off na. Kayo ngayon ang pa-project-in namin.”

Gusto lang natin ipaalala sa PNP ngayon pa lamang na maging maingat sa pagpapatupad ng kampanya laban sa mga riding-in-tandem. Huwag sana itong magaya sa war on drugs na naging madugo at maraming buhay ang ibinuwis sa ngalan ng kampanya laban sa iligal na droga.

Uulitin natin. Hindi lahat ng riding-in-tandem ay kriminal o sangkot sa krimen. Kaya kinakaila­ngan na maging maingat ang mga pulis dahil baka magkaroon ng panibagong kontrobersya sa ‘war on riding-in-tandem’ nila.

Malaking hamon sa PNP kung paano nilang maipatutupad ng maayos ang pagpuksa sa mga naturang kriminal sa paraan na walang madadamay na mga inosenteng sibilyan.