Riding-in-tandem bilang na ang araw

By ,

Dalawang insidente ng patayan na kinasasangkutan ng riding-in-tandem criminals ang nangyari kamakalawa sa magkakahiwalay na lugar sa Pasay at Tondo, Maynila.

Kasabay nito, ipinahayag ng Philippine National Police (PNP) na tututukan nila ang kaso ng mga riding-in-tandem na sangkot sa mga patayan at ibang krimen o street crimes.

Sa San Roque St., Tondo, Maynila, isang barangay chairman ng namatay habang sugatan ang isang pipi’t bingi matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PO3 Aldeen Legaspi, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section ang biktima na si Chairman Arnel ‘Bong’ Parce, 47-anyos, ng Bgy. 20, Zone 2 na hindi na naisalba ng mga doktor sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) dahil sa tama ng bala sa leeg at ulo.

Habang nasa ligtas ng kalagayan ang isa pang biktima na si Christopher Balotinos, 32, na binaril ng suspek na nakasuot ng maskara.

Sa kuha ng CCTV ng barangay, makikita na nakaupo ang mga biktima sa gilid ng kalsada dakong alas-otso ng gabi. Biglang sumulpot ang motorcycle-riding suspect kung saan bumaba ang backrider sabay malapitang pinagbabaril si Parce.

Hinabol ni Balotinos ang suspek at nakipagbuno habang papatakas pero bago tuluyang maagaw ang kalibre .45 na hawak ng suspek ay nabaril siya sa likod.

Ayon sa mga kasama ni Parce sa barangay, posibleng may kinalaman sa pulitika ang motibo sa pagpatay dahil maraming gustong umagaw sa puwesto nito. Nakatanggap na rin umano ng death threats ang biktima ayon sa kanyang anak.

Nanawagan naman ng hustisya ang asawa ng chairman na si Luisa at nanindigang matinong opisyal ng gobyerno ang pumanaw na asawa.

Samantala, kapwa nasawi ang dalawang lalaki na hinihinalang sangkot sa iligal na droga nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa magkasunod na insidente sa magkahiwalay na lugar sa Pasay kamakalawa ng gabi.


Unang nasawi ang biktimang si Rolando Almojela, 40, isang construction worker, at naninirahan sa Tramo St. Barangay 48, Pasay City.

Si Almojela ay pinagbabaril sa ulo at katawan sa harap mismo ng 8-an­yos na anak sa kanilang lugar ng anim na lala­king sakay ng tatlong motorsiklo at makailang ulit na pinagbabaril.

Makalipas ang sampung minuto pinagbabaril din ng tatlong riding-in-tandem isa pang lalaki sa Tramo St., Bgy. 43 sa naturang lungsod. Dead-on-the-spot din ang biktimang si Andi Parpan, 38-taong gulang, at runner umano ng iligal na droga.

SHARE