Una sa Balita

Rider tumilapon sa sirang trak, sugatan

0 204

By Juliet de Loza-Cudia

NAGTAMO ng mga sugat sa ulo, baba at katawan ang isang rider nang pumailalim sa isang nasiraang cargo truck matapos na mabangga ito sa ibabaw ng Nagtahan Flyover, kahapon nang mada­ling-araw sa Maynila .

Ginagamot ngayon sa Ospital ng Maynila ang biktima na si Dariel Boncalos, 25, nang maipit sa ilalim ng truck, habang nakasakay pa sa kanyang minamanehong pulang motorsiklo.

Nalaman sa Manila Police District (MPD)-Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS), alas-dos nang madaling-araw nang mangyari ang insidente sa Nagtahan Flyover, kung saan nakaparada matapos na masiraan ang isang cargo truck na may plakang HVR-571, na minamaneho ni Ruben Honrales.

Sinabi ni Honrales, biyaheng Tacloban, Leyte ang kanilang truck upang maghatid sana ng mga balikbayan box mula sa Pier, nang pagsapit nila sa ibabaw ng flyover ay nasiraan ang truck kaya napilitan silang itabi na lamang sa gilid ng flyover.

Nagulat na lamang si Honrales nang sabihan sila ng ilang dumaang motorista habang kinukumpuni ang makina ng truck na may motorsiklo na bumangga sa likuran ng kanilang truck, gayung naka-hazard naman sila at may nakalagay naman umano silang early warning device.

Naialis lamang ang biktima sa ilalim ng truck matapos na gamitan ng hydraulic jack para maiangat ang likurang bahagi ng truck kung saan umabot ng 30 minuto bago naialis ng mga rumespondeng pulis, rescuer, at motorista ang biktima mula sa pagkakaipit.

Amoy alak umano ang rider at nakasuot ng nutshell helmet na ginagamit ng mga siklista.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy