Rider suportado BTS meal, nagka-P45K

Ibang klase talaga ang mga Pinoy fan ng South Korean boy band na BTS!
Nakalikom lang naman sila ng mahigit P45,000 pondo para kay Benjamin Baetiong, isang Foodpanda rider, na suportado ang BTS meal, ang collaboration meal ng Bangtan Boys at ng fast food chain na McDonald’s.
Hunyo 18, nag-post sa Facebook ang rider ng kanyang selfie at larawan ng promo meal.
Kahit pa sobrang busy ng kanyang Biyernes dahil sa dami ng mga gustong makabili ng nasabing pagkain ay hinikayat niya pa ang mga BTS fan — na tinatawag na ARMY — na mag-order at magpa-deliver.
“Lakas ng BTS meal ngaun. Umaarangkada na.. kme mga Foodpanda riders.. masayang dedeliver sa inyo ang bts meal,” bigkas ni Baetiong.
“Kya mga bts fans.. dyn.. gogogogo na order na kyo,” dagdag niya.
Inulan ng heart reactions ang post ng driver, na umabot na sa 239,000 nitong Lunes. Umabot naman sa 1.5K ang comments habang may 78K shares na itong post.
Ayon sa ilang Pinoy ARMY, na-touch sila na suportado ni Benjamin ang nasabing pakulo sa gitna ng mga pambabatikos ng mga hindi fan ng banda.
Samantala, magugunitang sinuspinde ng Grab ang kanilang mga GrabFood rider na tinawag umano na “biot” ang BTS.
Ang salitang “biot” ay katunog ng “bayot,” salitang Bisaya na nangangahulugang bakla.
Banggit naman ng grupo ng kababaihan na Gabriela na sa halip na suspindihin ay sana binigyan na lang ng Grab ng edukasyon tungkol sa Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) ang mga rider nito. (Riley Cea)