Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Richard Dela Cruz, dakilang ama at alagad ng Sining sa Iloilo

0 58

Ang Dakilang Artist na si Richard De La Cruz (41 gulang) ay tubong Oton Iloilo. Ama sa dalawang mga anak.

Bago pa siya pumasok sa sining ay isang ordinaryong tao lang daw siya na katulad sa mga karakter na kanyang pinipinta. Isang laki sa hirap na minsan ay naging magsasaka tulad ng kanyang ama . Noong nasa elementarya si Richard ay naging katuwang na siya ng kanyang mga magulang sa pagtatrabaho. Nangangalakal din siya para makatulong at makapagtapos ng pag-aaral. Nag-alaga rin ng mga baboy para maka-graduate sa high school. Pangatlo siya sa anim na magkakapatid. Dahil sa hirap ng buhay ay hindi agad siya nakapag-kolehiyo. Apat na taon siyang nagtrabaho sa bukid katuwang ng kanyang ama at minsan ay nangangalakal ng mga basura kasama ng kanyang ina. Minsan na rin siyang napanghinaan ng loob dahil sa hirap at pagod. Dala ng kahirapan ang naging dahilan niya sa sarili na magtatapos siya ng pag-aaral sa kolehiyo upang makatulong sa kanyang mga magulang at kapatid.

Dahil na rin sa pagsusumikap ay muli siyang bumalik sa pag-aaral at kumuha na ng kursong BSIT Major in Architectural Drafting in ISAT U na dating WVCST na may kinalaman sa interior design and architectural drafting. Para matustusan ang pag-aaral ay namasukan naman siyang bagger sa isang supermarket . Sumasali rin siya sa mga poster making contest at ilang beses nanalo.

Naisip din niyang tumanggap ng mga commission work para makapagtapos sa pag-aaral. Lingid sa kanyang kaalaman ang kanyang mga kaibigan ay nagtuturo ng art lesson sa mga kabataan kaya inalok siya ng mga ito na subukan ang pagtuturo sa mga kabataan ng Art. Bigla siyang nag-resign sa trabaho at pagtuturo na lang ang hinarap. Bagamat mababa ang kinikita sa pagtuturo ay pinagpatuloy niya ang mga ito. Marahil ay talaga naman nakakatulong ang pagtuturo para lalong madagdagan ang kanyang kaalaman sa pagpipinta.

Paunti- unting lumawak ang kanyang talento. Madaming paghihirap, pagod,puyat ang tiniis niya kasi dito niya nakikita ung sarili niya na masaya.

Dahil sa pagsusumikap, tiyaga at tiwala sa Diyos ay nakamit ni Richard ang tagumpay na kanyang tinatamasa sa kasalukuyan. Ilan beses na rin siyang nagwagi sa mga prestihiyosong kompetisyon at maraming beses lumahok sa mga art exhibit sa buong Pilipinas.

Makikita sa kanyang mga Obra ang husay sa pag-uugnay ng mga sitwasyon sa gitna ng mga larawan. Dahil dito ay nakikita ang lalim ng kanyang pinagdaanan sa bawat guhit ng imahinasyon.

At bilang ama ng tahanan ay pinagsusumikapan ni Richard na maranasan ng kanyang pamilya ang ganda at kasaganaan ng buhay na hindi niya naranasan ng kanyang kabataan. Nais din niyang pasalamatan ang kanyang ama na nagbigay sa kanya ng inspirasyon para maging isang matatag at matibay na haligi ng Tahanan.

Pasikatin pa natin si Richard at ang kanyang mga obra. Tunay na napakagaling na alagad ng sining ni Richard kaya naman naabot niya ang kasikatan ng kanyang pinangarap .
Sa lahat ng nagnanais bumili ng mga Obra ni Richard ay maari ninyo siyang makaugnayan sa kanyang mga social media account.

Abangan ang susunod na exhibit ni Richard sa Manila sa Agosto.

Maligayang pagbati sa lahat ng mga ama ng tahanan.

Pagpalain nawa ng Dakilang Diyos na lumikha sa lahat ng Ama!!

Leave A Reply

Your email address will not be published.