Una sa Balita

Reyna ng trail, Ultra karera!

By
0 1,060

 

“Para magkaroon ng healthy mind and body, tumakbo ng regular”

PATOK ang mga road race sa iba’t ibang lungsod ng Metro Manila, mula 3K hanggang 42.195K maging sa iba pang pangunahing siyudad sa kapuluan.

Pero hindi na rin maaawat ang pagpailanlang ng mga ultramarathon, mga karerang may sukat na may pinamakaigsing 50-kilometro at may pinakamahaba ngayon sa bansa na hanggang 500K.

Tila kabuteng nagsusulputan ito hindi lang sa Mindanao at Visayas kundi higit sa lahat sa mga matataas na probinsya ng Luzon na pinagmulan ng tampok ngayon sa Lodi Atletiko: si Novena ‘Bhing’ Menci Manacnes, naging bisita sa ABANTE Sportalakan nitong Nobyembre 13.

Wala pang 2 taon sa sirkulasyon ang magku-43 sa Lunes, Nobyembre 26, tubong Kayapa, Nueva Vizcaya, may taas na 5 talampakan, may katamtamang panga­ngatawan, ina ng 2 supling na lala­ke, tapos ng Bachelor of Science in Information and Computer Science sa University of Cordilleras (dating Baguio College Foundation) at residente na ng Tuba, Benguet.

Abril 9 noong 1 taon lang siya nabinyagan sa sport na nag-resulta ng pagiging finisher sa RF Pilipinas Run sa Burnham Park, Baguio City. Sa 20 sinabakang karera sa 2017 na buhat sa mga distansiyang 10km, 21k, 35K at 50K, naka-6 siyang primera, 2 segunda at 1 tersera bukod pa sa 1 pagtapos lang sa 1 pang event.

Sa pagkagulat sa kanyang kakaibang lakas ng karamihan, pinayuhan siyang mag-angat ng antas sa mga distansiyang tatakbuhan. Dito siyang mabilis nakilala mapa-half-marathon, full-marathon, at lalo na sa mga trail run o trail race at ultramarathon.

Higit na mas mahihirap at mapaghamon ang pagtakbo sa mga kabundukan o trail race at ultra run, para sa isang runner. Pero nahihiwagaan ang ilan kay Bhing, palayaw niya, kung saan iniidolo na siya ng marami sa bawat makita sa mga pagtakbo at maging sa social media.

Q&A

Abante: Bakit po running ang napili ninyo sa dinami-dami ng sports?

Manacnes: Kain ako nang kain kaya tumaba ako nang magtrabahong OFW sa Hong Kong noong 2013-15. Sa kagustuhan kong hindi na muling tumaba naghanap ako ng work dahil sabi ko kailangan ng panustos sa bisyo ko (takbo) at natanggap akong call center agent sa Sitel (Baguio) at tinuloy-tuloy ko na.

Abante: Ano po ba ang sikreto ni Ms. Bhing at sa loob lang ng 2 taon super achiever na sa local running?
Manacnes: Naging passion ko na ito (run). Hindi lang pampa-sexy, physical fitness, healthy, nae-enjoy ko rin at nakakatulong din sa ating kapwa kapag may mga charity run.

Abante: Ano naman po ang mga plano ninyo pa sa nalalabing 2 buwan ng taon at sa papasok na 2019?
Manacnes: This month of November at sa December may magkasunod akong weekend full-marathon sa Hong Kong kung saan volunteer at participant ako. At yung grupo naming Atletang Puyat, Baguio Benguet Triathlon/Baguio Benguet Multi Sport at Team Cordillera (Team Malaya, Team Tagtag at Team ETag ), may 3 kaming event na io-organize – ang 1st Baguio Marathon 2019 sa January 6, Camp John Hay Christmas Sunset Run 2018 sa Dec. 15, at Amihan 50 Trail Ultra 2018 sa December 2 lahat sa Baguio, Benguet . At sasali ang Cordillera Hun­ters sa Laban ng Lahi 18K Platoon Run sa Dec. 16-18 sa Zarraga, Iloilo.

Abante: Ano po ang nais ninyong maiparating sa ating mga mambabasa, kabataan at kahit mga magulang, lalo na sa mga ilaw ng tahanan na nais sumunod sa inyong yapak.
Manacnes: Hindi pa po huli ang lahat kahit anong edad na natin na ma-involved sa sports. Para po tayo magkaroon ng healthy mind and body, tumakbo po tayo ng regular, matulog ng sapat sa oras, kumain ng tama at sapat na hydration.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy