Una sa Balita

Reward money, ibigay sa Marawi o sa mga sundalo?

0 82

Hindi matatawaran ang buwis-buhay na kabayanihan ng mga kawal ng hukbong sandatahan ng ating pamahalaan para mabawi mula sa kamay ng mga terorista ang Marawi City.

Pero, may dalawang panig ngayon na nagsusulong kung kanino dapat ibigay ang P10 milyong nakapatong sa ulo ng Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon at P5 milyon kay Omar Maute.

Hindi pa pinag-uusapan dito ang US$5 million reward na inilaan ng pamahalaan ng Estados Unidos para sa ulo ni Hapilon dahil sila ang magpapasya kung kanino ito mapupunta o ibibigay.

Sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay mayroong mambabatas na nagsabing karapat-dapat lamang na ibigay sa mga sundalong nakapatay sa dalawang pinuno ng mga terorista ang reward money.

Sa panig ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Eduardo Año ay sinabi nito na pag-aaralan at pagpapasyahan ng Joint AFP-PNP Rewards and Valuation Committee kung kanino ibibigay ang pabuya.

Malaking halaga ito na magagamit para sa pamil­ya ng mga sundalong makakatanggap ng pabuya. Pero, inaalala rin natin na baka magkaroon ng kontrobersya, intriga o tampuhan lalo pa’t misyon naman talaga ng lahat ng sundalong ipinadala sa Marawi ay bawiin ito mula sa mga terorista at makuha nang buhay man o patay ang kanilang mga pinuno.

Kung para sa rehabilitasyon ng Marawi ibibigay ang pondo ay maraming kababayan din natin sa lungsod na iyon ang matutuwa.

Alam naman natin na malaking pondo ang kinakailangan para maibangon mula sa pagkawasak ang Marawi.

Sana lang ay mapagpasyahan ito nang mabuti. Mapunta sa karapat-dapat na layunin sa halip na maging mitsa pa ng pagtatalu-talo.