Una sa Balita

Retired gov’t employee nagbaril sa ulo

By
0 178

UMAAGOS pa ang dugo sa ulo nang matagpuan ng kanyang live-in partner ang 65-anyos na lolo na nakabulagta sa kama nito katabi ng baril na ginamit nito sa pagpapatiwakal kamakalawa nang umaga sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.

Kinilala ni P01 Christian Loyola, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang umano’y nagpatiwakal na si Augusto Francisco Galvez, retiradong empleyado ng gobyerno, at residente ng No. 66-A, Tagbilaran St., Paele State, Brgy. Culiat ng nasabing lungsod.

Batay sa salaysay ni Myrna Escobin Alcachupas, live-in partner ng biktima, umalis lang umano siya sandali sa kanilang tahanan upang bumili nang almusal at iniwan niyang natutulog pa si Galvez sa kanilang silid na nasa ikatlong palapag.

Abante Hiring – IT dep

Pagbalik umano ni Alcachupas sa kanilang tahanan dakong alas-nuwebe nang umaga ay pinuntahan niya si Galvez sa kanilang silid upang yayain nang mag-almusal subalit pagbukas umano niya ng pintuan ay laking gulat niya nang makita na umaagos ang dugo sa ulo ng kanyang kinakasama na nakatihaya sa kama habang ang baril nito ay nasa kanang balikat.

Dahil dito ay humingi ng saklolo ang ginang sa kanilang mga kapitbahay na agad namang ini-report sa QCPD Talipapa Police Station 3 ang insidente.

Nasamsam ng mga nagrespondeng Scene of the Crime Operatives (SOCO) team ang isang Smith and Wesson caliber .38 revolver na walang serial number at may lamang isang fired catridge case, isang basyo ng bala at apat na live ammunitions.

Sa isinagawang awtopsiya, ang biktima ay nagtamo ng isang tama ng bala ng baril sa kanang ulo. 

Masusi namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad kung may foul play sa sinasabing posibleng pagpapatiwakal ng nasabing retiradong empleyado ng gobyerno.