Una sa Balita

Retiradong police colonel pinagsimba bago niratrat

By
0 581

Pinagsimba muna bago pinagbabaril ng riding-in-tandem ang isang retiradong police­ superintendent kaha­pon nang umaga, ilang metro ang layo sa St. Anthony’s Church sa may panulukan ng Linao at San Andres Street, Malate, Maynila.

Idineklarang dead-on-arrival (DOA) sa Ospital ng Maynila ang biktimang si retired PSupt. Roberto Palisoc na nagtamo ng tama ng bala sa katawan at ulo.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD)-homicide section, naganap ang insidente dakong alas-9:37 nang umaga habang nakasakay ang biktima sa isang sidecar nang pagbabarilin ng mga suspek habang nakasakay sa isang kulay pulang Kawasaki Rouser.

Nabatid na si Palisoc ay dati nang inakusa­han ni Pangulong Rod­rigo Duterte na sangkot sa iligal na droga.

Nadawit din ito sa kontroberyal na `ninja cops’ na nagre-recycle umano ng nakumpiskang droga. Dati itong nakatalaga sa MPD Station 7 at bago mag­retiro noong 2016 ay na-assign sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) at Reserve Officers Training Corps (ROTC).

Nagsasagawa naman ng dragnet operation ang mga tauhan ng MPD sa posibilidad na mamamataan sa lugar ang mga suspek.
Nangangalap rin ng kopya ng CCTV ang pulisya sa posibilidad na makilala ang mga suspek.