Una sa Balita

Resulta

0 272

Habang binabasa ninyo ito, laganap na ang resulta ng halalan. Mula sa pinakamababang lokal na posisyon, konsehal ng munisipyo hanggang sa—habang isinusulat ko ito—gobernador at congressman, ay naiproklama na.

Sa mismong oras na ito, marami pang pag-uusisa at alegasyon hinggil sa kredibilidad ng halalan. Kaya hindi pa pormal na naiproproklama ang mga nagwaging senador. Muli, habang isinusulat ko ito, wala pang senador ang naiproproklama. Hindi sa mismong oras at araw na nababasa ninyo ito na, baka, mayroon na.

Ano ba ang ‘resulta’ ng halalan? Maganda munang balikan kung bakit nagkaroon tayo ng salitang ‘resulta’. Balikan natin ang salitang mula pa noong unang panahon dahil ang salitang ‘resulta’ ay mula pa sa compound word na ‘re-saltare’ buhat sa medieval Latin.

Ang prefix o unla­ping ‘re-‘ ay nangangahulugan ng muli tulad ng sa salitang Ingles na re-write o muling isulat; review o mu­ling tunghayan gaya ng muling pagtunghay sa mga pinag-aralan kung gusto ng mag-aaral na ‘mag-review’ ng leksyon.

Samantala, ang re-saltare, sa maniwala man kayo o hindi, ay nangangahulugan ng muling maliksing pagbangon, pagbalikwas, o pagtalon. Hindi na halos nagbago ang saltare tungong Español na ‘salto’ o jump sa Ingles o talon sa Filipino. Kaya rin may salitang ‘somersault’ o iyong magilas at mataas na pagtalon ng mga gymnast.

Kung gayon, ang resulta pala ng eleksyon ay hindi lang numero, hindi lang pagtatakda kung sino ang nanalo o, kung masisteng pagbabatayan ang kultura natin sa halalan, nadaya. Bihira raw kasi ang tumatanggap ng pagkatalo sa eleksyon sa ating bansa. Nanalo lang o nadaya.

Kung literal na kahulugan ang pagbabatayan ng salitang resulta, mamumuni na ang paghahanap ng resulta ay para na ring paghahanap ng pagbalikwas, pagbangon, o pagtalon.

Kaya dapat lang maraming maghintay sa resulta. Lalo’t ang nanalo ay iyong bumalikwas mula sa pagkakahiga o pagkakalugmok; tuma­lon buhat sa pagtindig. Marami ito. Sa lokal na halalan, ilang political dynasty ba ang nawakasan? Ilang pulitikong tumanda na ang lahi sa paghawak ng posisyon ang tinalo ng mga pulitikong nagsisimula pa lamang?

Magandang balita ang mga pagbalikwas na ito. Ngunit mayroon din namang nanatili, o pinalitan lamang ng kapatid, asawa, anak ang nakaposisyon. Dahilan? Una, maaaring talagang magaling ang apelyido sa paglilingkod o, ikalawa, sadyang walang pamimilian.

Nangyayari naman kasi talaga na, upang maiwasan ang agam-agam ng mamamayan, magpapatakbo ang mismong malakas na kandidato ng mismong lalaban sa kaniya. Para nga naman may ‘pagpipilian’. O sa kaso ng ibang alam kong pulitikong nakatitiyak na sa panalo, para patuloy na may magbigay ng donasyon sa kampanya.

Kung wala nga namang kalaban, tiyak na ang panalo. Bakit pa magbibigay ng ayudang pinansyal ang mga political backer? Mautak. Dito dapat bumabalikwas ang mamamayan bago pa ang halalan. Hindi sa mismong halalan dahil, iyon na nga, walang pagpipilian.

Mahalagang bantayan ang resulta ng halalan hindi lang dahil ito ang kolektibong niloloob ng bawat isa sa atin kung hindi dahil, baka sakali, ito na ang pagbalikwas na hinihintay ng marami sa ating nagsawa na sa paraan ng pagli­lingkod ng ilang bulok at inaamag na pulitiko.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy