Una sa Balita

Resulta ng survey, kuwestiyonable kung hindi paborable

By
0 623

Isang malaking isyu na pinaguusapan ngayon ay ang pinakahuling survey partikular ng Social Weather Stations (SWS) kung saan ay bumagsak ng 11 puntos ang rating ni Pangulong Duterte.

Batay sa SWS survey, mula sa ‘very good’ ay naging ‘good’ na lang ang nakuhang rating ng Pangulo.

Bumagsak ang rating ng Pangulo nang hindi pa kasali dito ang na­ging kontrobersiyal na pahayag ng Pangulo na ‘stupid God’ na ikinagalit ng marami.

Sa panig ng Pangulo ay wala siyang pakialam kung bumagsak man ang kanyang rating at aminado na hindi na siya popular.

Pero isa sa mga malapit na tauhan ng Pangulo na si Special Assistant to the President Bong Go ang kumukuwestiyon sa method ng SWS survey.

Ayon kay Bong Go, bakit mina-minus ang negative points sa positive na kung tutuusin ay matagal nang ginagamit ang nasabing method.

Mukhang gusto ata ni Bong Go na i-multiply ang negative sa positive points nang tumaas ng todo-todo ang rating ng Presidente.

Sa kabilang banda ay lumabas naman ang survey ng Pulse Asia na kung saan ay lumitaw naman na mataas pa rin ang trust rating ni Pa­ngulong Duterte. Kasama sa may mataas na marka ay sina Vice President Leni Robredo at dating Senate President Koko Pimentel.

Pero agad namang kinuwestiyon ni Senator Antonio Trillanes ang method ng Pulse Asia na mali umano pero pinabulaanan nila ito.

Si Trillanes ay tutol kapag tumataas ang rating ng Pangulo bilang isa sa masugid na kritiko ng administrasyon, samantalang si Bong Go ay hindi naniniwala sa resulta ng survey kapag bumagsak ang rating ng kanyang amo na si Pangulong Duterte.

Nakakatawa lang dahil sa mga resulta ng survey ay kinukuwestiyon ito kapag hindi paborable sa isang kampo pero kung naaayon sa kagustuhan ay katakot-takot ang papuri sa survey result at kadalasan ay ipinagmamalaki pa ito sa publiko.