Una sa Balita

Responsableng paghawak ng pera, ituro sa senior high school

0 388

Malaki at makabuluhan ang ginagampanang papel ng pananalapi sa maraming aspeto ng buhay ng isang indibidwal. Upang mabili ang mga basic necessities tulad ng pagkain, damit, gamot at gamit sa bahay, kailangan nating magkaroon ng trabaho o maghanap pa ng sideline upang kumita at makabili ng ating mga pangangailangan.

 Hindi pa man naghahanapbuhay ang mga mag-aaral, ngunit pinaniniwalaang sa mura nilang edad ay nararapat na sila ay mabig­yan ng edukasyon sa tamang paghahawak ng pera bilang paghahanda sa hinaharap.

 Maaari nating umpi­sahang ituro ang financial literacy—ang budgeting at financial management, investment at pagnenegosyo sa mga Grade 11 at 12 students, dahil ang iba sa kanila ay maaaring sumabak na sa trabaho.

 Habang bata pa, mainam na paraan ito upang mabigyan ng karampatang edukasyon at paghahanda upang makaiwas sila sa iba’t ibang uri ng mga financial o investment scam, iba pang mga klase ng pandaraya o panloloko at maging ang pagkakabaon sa utang dahil gumagastos sa mga bagay na higit pa sa kanilang kinikita.

Related Posts

 Noon pa man, ilang bigtime investment scammers na rin ang nakalabas ng ating bansa bago pa man sila masampahan ng kaso, gaya na lamang ng Aman Futures Group Philippines na tumangay ng higit kumulang na P12 bil­yong investment mula sa libo-libong investors sa Mindanao. Isa na rin dito ang napabalitang isyu na kinasasangkutan ng Kapa Community Ministry International Inc. o Kapa, kung saan P50 bilyong investment naman ng limang mil­yong miyembro nito ay kinatatakutang maglalaho na lamang nang parang bula.

 Nakalulungkot isipin na maraming nabibiktima. Kaya hangad natin ang mabilisang aksyon ng Department of Justice at Security and Exchange Commission na makapagsampa ng criminal charges sa mga bigtime scammers na ito upang mabigyan naman ng hustisya ang kanilang mga nabiktima.

 Sa lahat ng ating mga kababayan, kabilang na ang mga kabataang Pilipino, laging tandaan na marami ang manloloko, magagaling magsalita at mang-engganyo. Maging maingat sa pag-iinvest ng ating pera at ipon. Higit sa lahat, isulong po natin ang edukasyon sa wastong pananalapi sa loob ng klasrum. Kung sila ay busog sa kaalaman, babala at impormasyon kaugnay sa financial literacy, malayong mangyari ang ganitong mga sitwasyon sa kanilang sarili, mga pamilya at sa susunod pang henerasyon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy