Una sa Balita

Respeto

By
0 113

Kilala ang mga Pilipino bilang magalang at marunong rumespeto sa mga nakatatanda at sa kapwa.

Lalo na sa modernong panahon ngayon, kung kailan napakalaki ng impluwensiya ng mga makakanlurang pagpapahalaga o ‘western values and culture’, tinitiyak nating hindi nawawala ang mga katagang ‘po’ at ‘opo’ kasama ang pagmamano.

Maging ang kababayan natin sa ibang bansa na nakabuo ng pamilya, sinisigurong maipapasa ang kulturang ito na tanda ng paggalang.

Kaya naman naging kagulat-gulat ang mga sunod-sunod na nag-viral na video na nasaksihan natin nitong mga nakaraang linggo.

Sobra rin naman pala minsan ang abusong inaabot ng ating mga MMDA, LTO, at traffic enforcer sa lansangan. Nariyan nga ang kaso ng mag-asawang piskal na binulyaw-bulyawan si MMDA Special Operations Task Force Head Col. Bong Nebrija dahil ayaw nilang tanggapin ang pagkakamaling illegal parking. ‘Yan ay matapos pang bundulin ang motorsiklo ng isang enforcer habang nakasakay. Kasunod nu’n ay mayroon namang isang abogado na halos bundulin rin ang mga enforcer at takbuhan ang mga ito para makaiwas sa huli.

Hindi nagtagal, nakita rin natin sa isang CCTV footage kung paanong binugbog ng mga bodyguard ng isang negosyante ang isang enforcer matapos nitong sitahin ang sasakyan ng negosyanteng lumabag sa batas trapiko. Last week lang naman, napanood naman natin ang yabang at angas ng isang nagpakilalang tauhan ng MMDA nang mura-murahin nito ng napakalulutong ang dalawang tauhan ng LTO.

Sa mga naganap na ito, tila yata nawawala ang respeto natin sa kapwa, lalo pa sa mga nasa katungkulan. Tandaan natin na kaya sila nariyan ay dahil itinalaga sila para gampanan ang katungkulan at responsibilidad na para rin naman sa ating mga kapakanan.

Totoo na mayroon din namang mga abusado sa kanila, pero hindi ‘yan marapat na katuwiran para tratuhin nating masahol ang lahat. Tandaan na kung susunod lang sa alituntunin, magiging maayos ang lahat at mawawalan ng pagkakataon ang mga loko na umabuso. At kung maka-engkuwentro ng abusado, iparating din sa kinauukulan para maaksyunan.

Huwag nating payagan na maglaho na parang bula ang napakagandang kata­ngian natin ng pagiging magalang. Sabi nga, respeto lang.