Una sa Balita

Respeto hindi abuso ang kailangan ng mga senior citizen

0 400

Naging tradisyon na sa ating mga Pilipino ang maging marespeto at mapagbigay-alaga sa ating mga nakatatanda. Marami sa atin ang kumukonsulta pa nga sa mga opinyon ng mga nakakatanda bago gumawa ng mga malalaking desisyon sa buhay. 

Nakasanayan na sa ating kultura na ang mga lolo at lola ay may importanteng tinig sa ating mga pamilya, at isa sa mga dapat inaa­lagaan ng ating komunidad. Kaya nakakabahala na marami pala sa ating mga senior citizen ang nakakaranas ng pang-aabuso. At ang masakit pa nito, kadalasan ay sa pamilya pa nila mismo nanggagaling ang pang-aabusong ito. Hindi man ito ang nakasanayan natin bilang mga Pilipino, ito ay kailangang harapin ng bawat isa sa atin at itama ang kamaliang ito.

Ngayong araw, Hun­yo 15, ay ginugunita ng buong mundo ang Elder Abuse Awareness Day. Kailangang pag-usapan ang isyu na ito upang maproteksiyonan ang mga may edad sa ating lipunan mula sa lahat ng klase ng pang-aabuso. Kailanman ay hindi na­ging tama ang anumang uri ng diskriminasyon at pang-aabuso sa kahit na sino sa ating pamayanan. Hindi ito katanggap-tanggap.

Nitong katatapos lamang na 17th Congress, nakapaghain ako sa Senado ng Senate Bill No. 1889 o ang “An Act Defining and Prohibiting Elder Abuse” kung saan bibigyan natin ng tulong ang mga senior citizen na dumaranas ng mga pang-aabuso. Sa datos noong 2010, mayroon ng 7 milyong seniors sa buong Pilipinas. At isa sa 20 senior citizens ay nakakaranas diumano ng pang-aabuso. Nakakabahala at nakakalungkot ang datos na ito.

Hindi man ito na­ging ganap na batas, ihahain ko ito ulit sa papara­ting na 18th Congress. Nilalaman ng panukalang ito ang pagpataw ng pagkakakulong sa mga magmamaltrato o mag-aabuso sa mga matatanda. Ituturing itong public offense na kung saan ang puwedeng magsampa ng kaso sa mang-aabuso ay ang senior citizen mismo, ang caregiver o miyembro ng pamilya, ang healthcare provider, therapist o counselor, ang kasamahang senior citizen mula sa grupo ng mga senior, o kasama sa simbahan, barangay official, social welfare officer o pulis.

Ang karaniwang kaso ng pangmamaltrato ay sa pamamagitan ng pagpapabaya sa kanila o pang-aabusong pisikal, psychological at maging sa pera kung saan may ibang gumagastos o umuubos ng salapi ng matanda nang hindi niya gusto.

Ang mga malalalang kaso ng pang-aabuso sa ating mga senior citizen ay makikita kung sila ay may mga marka o pasa sa katawan, nabaling buto, pagkakaroon ng depression, hindi na lumalabas ng kuwarto o hindi na sumasali sa mga normal nitong mga ginagawa at tensyonadong relasyon sa mga kaanak.

Nakakabahala ang ganitong mga kaso lalo na at walang kalaban-laban ang ating mga senior citizen sa mga pananakit o pangmamaltrato sa kanila ng mga taong pinagkakatiwalaan pa nila mismo –ang kanilang pamilya.

Makakaasa kayo na patuloy nating ipaglalaban ang karapatan ng ating mga senior citizen sa paparating na 18th Congress.
Sa mga nagnanais na magpadala ng katanu­ngang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy