Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Reseta

0 23

Galing ang salita nating ‘reseta’ sa salitang Latin na ‘recepta,’ o listahan ng dapat gawin. Instruction sa Ingles. Sa salitang ‘recepta’ galing ang salitang ‘recipe’ o ang nakasulat na hakbang sa pagluluto at ‘resibo’ o listahan ng binili.

Sa ating kultura, ang reseta ay nagmumula sa ating mga doktor. Isinusulat dito ang gamot na kailangan natin para sa ating katawang may dinaramdam. Nakasulat din sa reseta ang paraan kung paano ito iinumin. Kung ilang oras ang pagitan, kung gaano karami. Maliban sa tuntunin, napakahalaga ng reseat sa pagbili natin ng gamot.

Mahirap naman kasi talagang sabihin ang mga nais natin bilhin lalo’t ang tatak at generic name name ng gamot ay mahirap basahin. Pwera pa kung mahirap intindihin ang sulat-kamay ng doktor. Kaya ang ginagawa natin, iniaabot sa pharmacist ng botika ang reseta at sila na ang bahala. Basta bahala tayo sa pambayad. Kaugnay ng paksang ito ang aking paalala sa mga kababayan kong alipin din ng gamot na pang-maintenance gaya ko.

Dalawang beses na itong nangyari sa akin sa parehong botika dito sa lalawigan ng Quezon. Noong una, inisip ko na pagkakamali lang ang lahat. Kasalanan ko rin naman dahil hindi ko binilang ang gamot pagkaalis sa botika.

Kulang ang ibinigay sa aking gamot. Bumili ako at nang ibigay sa akin, nasa supot na, selyado na. Binuksan ko sa harap ng nagtitinda ang supot at binilang ko ang laman, kulang.

Related Posts
SM SuperKidsDay Banner Ad

Noong unang nangyari, nasa bahay na ako at ilang araw na ang bago ko nalaman. Hindi kasi ako bumibili sa eksaktong sandali na wala na akong maiinom. Kaya noong malaman ko na kulang ang ibinigay sa akin, wala na. Naiuwi ko na ang gamot, at ilang araw na ang lumipas.

Kaya nang huli akong bumili, kinuha ko ang atensyon ng nag-asikaso sa akin. Itinanong ko kung may bisor sila para maibilin na gawing standard practice ang pagbilang ng gamot sa harap ng customer. Wala raw bisor. Nag-sorry naman ang personnel pero hindi ko ramdam ang sinseridad. Parang hindi nagkamali.

Sa ibang botika, binibilang naman ang gamot bago isupot. Ipapakita sa customer ang kabuuan ng biniling gamot. Pero itong tindahan na ito, na popular dito sa Quezon, noon ko na lang napansin na hindi nga. Nakaselyado na ang supot kapag ibinigay. Kaya kapag may pila ng customer sa likuran, aalis ka na lang agad para maging mabilis ang transaksyon. Sa bahay mo na lang magagawang bilangin ang binili. Wala nang laban sakaling may kulang.

Kaya payo ko sa mga kapwa ko alipin ng maintenance medicine na karaniwang gawain na ang pagbili ng gamot, magbilang pa rin, maging masinop. Mag-usisa.

Sa mga botika, pahalagahan n’yo sana ang customer n’yo. Ano ba naman ang gawing standard operational procedure ang pagbilang ng biniling gamot sa harap mismo ng customer? Hindi po biro ang magkaroon ng sakit. Mahal ang gamot. Iniinda ng mga middle-income earners na gaya ko. Sana magmalasakit naman kayo sa amin. Magtatanda na ako at hindi na bibili sa gumawa nito sa akin.

Mahirap ang buhay. Bawat sentimo ay mahalaga. Maging mapanuri.

Leave A Reply

Your email address will not be published.