Una sa Balita

Research Laban sa COVID-19

0 524

Malaki po ang ambag ng ating mga kolehiyo at unibersidad sa paghahanap ng solusyon sa iba’t ibang mga suliraning hinaharap ng ating bayan lalo na po sa nararanasan natin ngayong COVID-19 pandemic.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, kinikilala at pinasasalamatan po natin ang dedikasyon ng mga higher education institution, pribado o publiko man, para pigilan ang pagkalat ng coronavirus disease.

Dito po sa aming bayan ng Bocaue, nakaimbento ang Dr. Yanga College ng “Robotic Alcohol Dispenser” na nagpabilis ng hand disinfection sa matataong mga lugar tulad ng Bocaue public market at parokya ni San Martin de Torres.

Naglaan po tayo ng Php 1.5 milyong pisong pondo sa ilalim ng 2020 budget para sa bawat isang SUC sa buong bansa para palakasin ang kanilang kapasidad sa research and development lalo na sa larangan ng science, technology, engineering at mathematics o STEM.

Naniniwala po tayo na magbibigay daan ang mga bagong teknolohiya hindi lang para makalikha ng trabaho kundi para makatulong rin sa paghahanap ng solusyon sa mga krisis tulad ng COVID-19.

Naging daan po ang nasabing pondo para sa research sa bioethanol ng Mariano Marcos State University sa Ilocos Norte. Nakagawa po ang MMSU ng teknolohiya para sa produksyon ng 70% ethyl alcohol na mabisang disinfectant laban sa COVID-19.

Nakagawa rin ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa pangunguna ng Institute for Science and Technology nito para sa mass production ng ethyl alcohol na pinamimigay nila ngayon sa mga komunidad, mga health worker at maging sa mga pulis na tumatao sa ating mga checkpoint.

Bilang isa sa mga rehente ng University of the Philippines, nais naman po nating kilalanin ang galing ng mga siyentista ng Philippine Genome Center sa pagsusumikap nitong makagawa ng “GenAmplify Covid-19 rPT-PCR Detection Kit” na mas mura kumpara sa mga imported na mga COVID-19 testing kit. Naglaan po tayo ng Php 3.5 milyong pondo para sa UP system ngayong 2020 para sa R&D ng unibersidad.

Related Posts

Sumasaludo naman po tayo sa UP College of Science sa pagpapadala nito ng mga iskolar sa mga testing center ng DOH para makipagtulungan sa ating mga frontliner gayundin sa pagpapahiram ng kolehiyo ng mga “qPCR o quantitative polymerase chain reaction machine” na magagamit sa COVID-19 virus detection.

Nagpapasalamat din po tayo sa mga pangulo ng mga SUC sa mga inobasyon nila para makatulong sa pagpigil ng pagkalat ng COVID-19 at pagsasagawa ng mga libreng distance learning at telepsychoteraphy para pangalagaan ang mental health ng kanilang mga estudyante, frontliner at COVID-19 patients.

Kung labis na po kayong nababahala sa COVID-19 pandemic, maaari po kayong kumonsulta nang libre sa mga sikolohista ng UPD PsycServ sa mga numerong 0906-374-3466 at 0916-757-3157.

Isang “app” naman po ang dinevelop base sa DOH guidelines ng isang grupo ng mga iskolar at doktor na nagbibigay ng self-assessment survey tungkol sa risk level ng isang indibidwal sa COVID-19. Maaari n’yo pong bisitahin ang “fightcovid.app” para malaman ang inyong risk level sa COVID-19.

Ipinapaalala po sa ating lahat ang importansya ng hygiene, social distancing at quarantine para mapigilan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19. Habang ginagawa po natin ang mga ito, ipanalangin at suportahan po natin ang ating mga iskolar, siyentista at mga mananaliksik sa loob at labas ng mga unibersidad na walang humpay sa pagsasagawa ng mga research para makahanap ng solusyon sa COVID-19 sa tulong ng agham at teknolohiya.

Kalahating buwan na pong ipinapatupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon. Kaunting tiis pa po, malalampasan din natin ang pagsubok na ito.

senatorjoelvillanueva@yahoo.com

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More