Una sa Balita

Rescue operation patuloy sa gumuhong gusali sa Davao del Sur

0 410

Nagpapatuloy ang pagha­hanap sa mga iba pang nasa loob ng gumuhong Southern Trade Shopping Center sa bayan ng Padada sa Davao del Sur bunsod ng naganap na 6.9 magnitude na lindol na tumama Linggo nang hapon sa nasabing lalawigan.

Tatlo na ang kinumpirmang nasawi sa nasabing gusali habang anim ang pinaghahanap.

Base sa ulat kahapon ni Christopher Tan ng Padada Municipal Risk Reduction and Management Office, nakuha na ang dalawang bangkay sa gumuhong shopping center dakong alas-10:00 nang umaga kahapon na nakilalang sina Elsa Ababon, 52-anyos, at Vangie Artiaga, 67, habang mayroon pang isang bangkay na hindi nakukuha sa loob ng gusali.

Isinagawa ang rescue operation sa gumuhong shopping center matapos na makapag-text ang isa sa mga empleyado nito sa kaibigan dakong alas-4:16 nang madaling-araw dahil na-trap sila sa ilalim ng gumuhong shopping center.

Bukod sa tatlo, isa pa ang nasawi sa lindol, ito ang 6-taong gulang na batang babae na nabagsakan ng gumuhong pader ng kanilang tahanan sa bayan ng Magsaysay.

Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Padada dahil sa tinamong malubhang pinsala dulot ng lindol.

“Malaki ang damage ng Padada kasi halos lahat ng commercial buildings along the way, along the poblacion may mga cracks, ‘yung iba gumuho, swerte ‘yung ibang gumuhong gusali walang mga na-trap na tao,” saad pa ni Tan.
(Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More