Una sa Balita

Resbak

0 451

Naalala ko, may ilang taon pa lang ang nakalipas, may nakausap akong isang opisyal ng Philippine Navy at napagkuwentuhan namin ang lakas ng ating hukbong sandatahan kung sakali mang lusu­bin tayo ng ibang bansa. Sabi niya noon sa akin, “Kung aata­kihin tayo ng Malaysia, sa labinlimang minuto lang ay nasakop na tayo.” Nakakagulat na marinig ang kanyang sinabi, dahil nanga­ngahulugan na ganoon tayo kahina, at mahihirapan ipagtanggol ang ating bansa sa kung sino mang sasalakay.

Matagal rin kasi na panahon tayong umasa sa base ng mga Amerikano noon, kung kaya’t tila malakas tayo at walang sinumang makakasakop sa atin. Parang walang maaa­ring makakanti sa atin. Nakasandal tayo kay Uncle Sam. ­Maging ang mga Tsino, na ­ngayon ay nakaluklok na sa ilan nating isla, ay hindi makaporma.

At dahil diyan tila ‘di na naisipan ng ating mga nagdaang pamahalaan na palakasin ng husto ang ating hukbong sandatahan. Taon-taon ­naman ay may nakalaan para sa modernisasyon, ngunit tila nasaan?

Umaasa na lang tayo sa mga lumang gamit at kung anong maipamana na napagsawaang lumang kagamitan ng mga Amerikano. ­Sobra tayong atrasado. ­Nasanay tayo sa lakas ng iba.

Sa panahon ngayon na pinawalang bisa ni Pa­ngulong Duterte ang Visi­ting Forces Agreement, dahil sa natanggalan ng US visa si Senator Bato, mas lalong nanganganib ang ating mga karagatan sa mga mapanghimasok at mangaagaw ng teri­toryo na mga Tsino. Wala na nga tayong gamit, wala pa tayong kakampi. Kunsabagay, tila naipamigay na nga rin ang ibang bahagi ng ating bansa sa mga Tsino. Lalong lalaki ang sasakupin ng bansang mangangamkam na ito.

Mabuti kung may pagbabago sa ating mga hukbo at maraming moder­nong kagamitan para ipagtanggol ang ating bansa sa mananakop.

Ang isa pang nakakalito ay kung sino pa ang nangangamkam ng ating teritoryo ay tila sila pa ang sasandalan ng pamahalaan na ito.

Bilang isang simpleng mamamayan, si Mang Nando ay ‘di sang-ayon sa naging desisyon ng Pangulo. Lalo lamang, aniya, inilagay sa ala­nganin ang ating bansa. Parang ang mas nana­naig pa ay ang “karapatan” ng visa si Bato kaysa sa seguridad ng ating bansa. ‘Yan ang resbak ng Pangulo laban sa mga Kano!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More